Klase sa ICSM supendido, babalik sa loob ng 2 linggo

    395
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Pansamantalang sinuspinde ang klase sa Immaculate Conception School of Malolos (ICSM) matapos masunog ang dalawang gusali nito noong Biyernes ng madaling araw, Hunyo 13.

    Ang pagsuspinde ay naganap sa unang linggo ng pagbubukas ng klase. Kaugnay nito, inialok ni Mayor Christian Natividad ang ilang pasilidad ng pamahalaang lungsod ng Malolos upang pansamantalang magamit ng mga mag-aaral ng ICSM.

    Inaasahang magbabalik sa normal ang klase sa nasabing paaralan sa loob ng susunod na dalawang linggo. Ayon kay Monsignor Pablo Legazpi, rector ng ICSM, apektado ng sunog ang may 1,600 mag-aaral ng ICSM. Kabilang dito ang nasa kindergarden maging ang mga nasa elementarya at sekundarya.

    “Pansamantala lang po yung suspension, and we homp to go back in two weeks,”ani Legazpi. Binigyang diin niya na sa susunod na dalawang linggo ay ihahanda nila ng mga pasilidad na gagamitin ng mga mag-aaral para sa pagbabalik ng klase.

    Kaugnay nito, inialok ni Mayor Natividad sa ICSM ang Malolos Sports Complex maging ang ilang silid aralan sa Malolos City Integrated School upang pansamantalang magamit ng ICSM.

    Ngunit ayon kay Legazpi, mas pinili nila ang pasilidad ng Simbahan ng Barasoain dahil mas malapit iyon sa ICSM na matatagapuan sa tabi ng Katedral ng Malolos na tinatawag ngayong Basilica Minore. Bukod dito, sinabi ng pari na maging ang kanilang sangay sa Metropolis Subdivision ay kanilang ipagagamit para sa ibang estudyante.

    Ang sangay ng ICSM sa nasabing subdivision ay pawang mga babae ang magaaral. Ang bagong gusali naman ng ICSM sa tabi ng Basilica Minore ay lilinisin din upang magamit sa shifting class kung saan isang grupo ng estudyante ang gagamit dito sa umaga at iba naman sa hapon.

    Binigyang diin ni Legazpi na sa kasalukuyan ay kailangan pa nilang bumili ng mga libro at maging mga desk na magagamit ng mga mag-aaral. “Ipagagamit din namin itong nasa main campus, pero kailangang munang mai-clear namin yung mga debris ng nasunog na building,” sabi ng pari.

    Kaugnay nito, sinabi ni Legazpi na bago maganap ang sunog ay nagpaplano ang mga dating estudyante ng ICSM upang magsagawa ng isang fund raising concert. Ang nasabing konsiyerto ay kaugnay ng ika-25 taong pagkakatatag ng ICSM.

    Ang ICSM ay nagsimula ng operasyon noong 1989. Ang unang gusali nito ay ang dalawang gusaling nasunog noong Biyernes. Ang mga nasabi ring gusali ay unang ginamit ng Immaculate Conception Academy of Malolos bago iyo lumipat ng pasilidad.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here