Home Opinion Kawalan lang marahil ng tamang direksyon

Kawalan lang marahil ng tamang direksyon

540
0
SHARE

KUNG ganyang pati na magpapahangin lang
sa harapan mismo ng kanilang bahay
ay hinuhuli ng ating kapulisan
dahil walang suot na pang-itaas ‘yan.

Ano’t di darami at lalong sisikip
ang mga piitan kung sa bawat saglit
at lahat nang araw ay may nadarakip
na basta na lamang nga ipinipiit?

Maliban dito sa talagang kriminal
na matinding salot sa ating lipunan,
gaya nitong mga holdaper, kawatan
at ibang sa labag natutong mamuhay.

Tulad na lang nitong sa pinaka-’’grass root’
level kabilang at kung saan ang gamot
na bawal ay ilang opisyal na bugok
ng barangay mismo itong nasa likod.

Kaya papaano basta matitigil
ang paglala nitong krimen dito sa ‘tin
kung ganyang dahil sa malaking gastusin
ni Kapitan at ng mga Kagawad din

Ay sa illegal na bagay lamang nila
puedeng mabawi ang kanilang nagasta;
Batid man nilang di mabuti ang bunga,
di na nila pansin mahalal lang sila.

Pero kung tinupad ni Pangulong Digong
ang aniya’y wala ng ‘barangay election,’
at ‘by appointment’ na lang ang iuupong
mga opisyal ay mas okey tiyak ‘yon.

Ya’y makabubuti sa nasabing punto
kung ang DILG ang pipili mismo
at mangangalap ng mga ipupuesto
bilang ‘barangay chair’ at kagawad nito.

Ngunit nang dahil nga sa paiba-iba
ang kanyang plano at sinasabi tuwina,
nadyario pa mandin ang ganyang plano niya,
nabale wala ang pagod ng lahat na.

Kaya nga sa puntong ito kadalasan
ang salita niya’y di mapanaligan,
lalo’t kapag ang pagiging emosyonal
nito sa sarili ang di mapigilan.

Tulad nitong pati ang panginoong Diyos
ay walang pangimi niyang binatikos,
sa akala kaya niya ay di halos
lahat ng kristyano ay kanyang binastos?

Bale wala lang ang siya’y makapanakit
ng kapwa kapagka’ siya’y nagagalit,
na di dapat asalin nito ‘in public’
ng isang kagaya niyang ‘chief executive’.

Kaya, hayan imbes ang popularidad niya
ay pagiging tunay na ulirang ‘ama’
(ng bansa), nabago ang pagkakilala
ng mamamayan at ng Santa Iglesya!

Sa isang banda kung di siya ang nahalal
bilang pangulo ang ating minamahal
na si Mayor Digong – sa tantya kaya riyan
ng iba ay di pa marami ang buwang?

At kung saan pati mga batang paslit
ay baka lango na rin sa kasisipsip
ng shabu at iba pa r’yang pampa-adik,
na mabibili na sa mall at groceries?!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here