IBA, Zambales (PIA) — Bukas na ang kauna-unahang Dairy Box sa Zambales na matatagpuan sa bayan ng Masinloc.
Ito ang magsisilbing sentro ng merkado ng mga magsasakang manggagatas sa lalawigan.
Ayon kay Philippine Carabao Center at Central Luzon State University o PCC at CLSU Director Ericson Dela Cruz, layunin nito na mapasigla ang industriya ng pagkakalabawan sa Pilipinas partikular sa Masinloc.
Hangad din nito na maparami pa ang mag kakalabaw at mapalakas ang programa para sa pagsusulong ng kabuhayang salig sa kalabaw.
Mabibili rito ang iba’t-ibang produkto mula sa gatas at karne ng kalabaw gaya ng instant papaitan, beef tapa, tocino, yogurt, chocolate milk, at coffee milk.
Papangasiwaan ng Masinloc Farmers Agriculture Cooperative ang operasyon ng Dairy Box.
Naipatayo ang tindahan sa ilalim ng Carabao-based Improvement Network at sa pagtutulungan ng PCC, CLSU, Tanggapan ni Senador Cynthia Villar at pamahalaang bayan. (CLJD/RGP-PIA 3)