IBA, Zambales (PIA) — May kabuuang 110 deputized fish warden sa Zambales ang sumailalim sa capacity building workshop ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Layunin ng dalawang araw na aktibidad na maipakalat ang Fisheries Law Enforcement Manual of Operation o FLEMO upang paigtingin ang pamamahala at proteksyon ng baybayin ng lalawigan.
Ayon kay BFAR Training Division Chief Romina Yutuc, ang FLEMO ay isang set ng standard operating procedures para sa pagsasagawa ng preventive at corrective fishery enforcement activities.
Dagdag pa niya, ito ay isang dokumentong magbubuklod sa lahat ng ahensya at mga fish warden upang maipatupad ang batas sa pangisdaan.
Ang mga deputized fish warden ay karagdagang tauhan na nagpapatupad ng batas at regulasyon sa pangisdaan bukod sa BFAR at ibang ahensya gaya ng Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Ang mga dumalo ay mula sa mga bayan ng Iba, Candelaria, Masinloc, Botolan, Subic at San Antonio, at lungsod ng Olongapo.
Samantala, ipinaabot naman ni Provincial Fisheries Officer Neil Encinares ang kanyang pasasalamat sa lahat ng dumalo at mga kapartner na lokal na pamahalaan sa kanilang patuloy na suporta at partisipasyon sa adbokasiya ng pangangalaga sa yamang baybayin. (CLJD/RGP-PIA 3)