Katunayan ng pagkatuto

    484
    0
    SHARE

    Kung may isang dokumento na napakahalaga at ipinagmamalaki natin sa lahat, ano kaya ito mga kabalen?
    Di ba ang ating diploma?

    Alam na natin kung bakit ito mahalaga. Ito’y patunay ng mga magulang natin nang pagkataguyod nila sa ating pag-aaral, ng pagkagabay sa atin sa mga panahong ginugol natin sa eskwelahan.

    Ito rin ang patunay ng antas ng edukasyon na inabot natin, ng mga kaalaman, talino, at galing na atin nang angkin.

    Sa madaling salita, ang diploma ang katunayan ng ating pagkatuto. The diploma is our veritable proof of learning.

    Ang isang gobyerno ay natututo din, sa pamamahala ng bawat pamunuan, sa pagkasilang at pagkamatay ng mga bayani, sa pagtuklas ng mga kagalingan, sa pag-angat sa kabuhayan, sa pagkilala sa mga mali at kasalanan, at harinawa sa pagkatuto sa mga kamalian.

    Tulad ng mga kaganapan sa Libya, sa Syria, at nuon, sa Tiananmen Square, may mga leksiyon ditong matututunan.

    At sino sa atin ang makalilimot sa mga kaganapan noong EDSA 1? Nang nagkaroon ng tila mapayapang pag-aaklas at pagpapa-talsik sa isang diktador, sa pagsasalin ng pamunuan, at pagpapanumbalik sa demokrasya!

    Masasabi natin na nangaganap ang mga pag-aaklas sa ibang bansa, ganoon din sa Pilipinas, dahil napagtanto na ng mga tao na Tama Na at Sobra Na ang pang-aabuso ng mga napatalsik na mga diktador.

    Malinaw na hindi nakakamit ang demokrasya nang ganun-ganun na lang.

    Tulad nang nabanggit ko sa Explanatory Note ng isinusulong kong batas, ang House Bill 54: “The democracy we are all enjoying now did not come on a silver platter.”

    Ang titolo ng House Bill No. 54 ay “An Act providing compensation to human rights victims of the Marcos Regime, documentation of said violations, appropriating funds therefor, and for other purposes.”

    Totoo may mga natutunan tayo bilang mga mamamayan sa mga naging kaganapan sa EDSA 1. Ito ang pagkamuhi sa Batas Militar at diktadurya, at ang paglasap sa tamis ng pamumuhay nang malaya na ang sandigan ay demokrasya.

    Sadyang mailap pa rin o urong-sulong ang pagbabago. Makaraang makatikim tayo ng laya, tila nalilimutan nating pahalagahan ang mga taong nagbuwis ng buhay o dumanas ng hirap, na-torture, o nakulong ng rehimen ng diktaduryang Marcos, dahil lang sa kanilang hangad na demokrasya at pagbabago.

    At heto ang tanong: May nakikita ba tayong mga tanda ng pagkatuto natin mula sa naging hirap na ating dinanas bilang mamamayan sa rehimeng Marcos?

    Di ba’t ang mga tanda ng pagkatuto ay ang sama-samang pagsasagawa ng mga pagbabago, ang pagtatama sa mga kinilalang mali, ang pagkilala at pagpataw  ng kaparusahan sa mga nagkasala, ang pagkilanlan sa mga naging biktima, at ang paggawad ng makatarungan at karampatang kabayaran, or just compensation sa mga namatay o dili kaya ay na-torture noon?

    Mga kabalen, maaaring nagkaroon tayo ng maraming pagbabago sa ating pamumuhay, sa ating mga gawi, sa ating lipunan, at sa ating pamahalaan, ngunit hangga’t hindi tayo kikilos upang mabigyan ng katarungan ang mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang rehimeng Marcos, wala tayong maipagmamaling diploma o tanda ng pagkatuto sa nakaraang pakikibaka! 

    Kailangan natin ang batas  na magtutuwid ng mga mali, at magbibigay ng katarungan sa mga taong dumanas ng hirap at nagbuwis ng buhay sa ilalim ng mabangis na diktaduryang Marcos.

    Heto ang bahagi ng panimula ng House Bill 54:

    “This bill which has been languishing in the legislative mill for 25 years, recognizes their very heroism and sacrifices.

    These heroes were victims of summary executions, torture, involuntary disappearance, and other gross human rights violations, from Sept. 21, 2971 to Feb. 25, 1986.

    It restores the victim’s honor and dignity by showing that the State acknowledges its moral and legal obligations to recognize and compensate said victims and their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations, and damages they had suffered.”

    Ang panukalang batas na ito ay may apat na mahalagang katangian:

    Ang pagkilala ng Lehislatura sa mga nagwagi sa kaso laban sa dating Pangulong Marcos sa US Federal District Court sa Hawaii bilang mga karapatdapat mabigyan ng just compensation;

     Ang pagkilala sa sinumang makakuha ng favorable judgment mula sa kahit aling hukuman sa bansa sa human rights cases na isinampa laban sa mga angkan at galamay ng pamilyang Marcos;

    Ang paglalaan ng P10 billion trust fund mula sa mga bank accounts at nadiskubreng investments ng pamilyang Marcos, at

    Ang pagtatatag ng Human Rights Victims Compensation Board sa mamamahala sa maayos na pamamahagi ng just compensation para sa mga biktima at survivor beneficiaries ng mga human rights violations victims.

    Mga kabalen, bagamat sa ilalim ng isang batas maaaring mabigyan ng Estado ng pagkilala ang mga Marcos human rights victims, kailan man di matutumbasan ng halaga ng pera ang buhay na nawala at ang naging paghihirap ng ating mga buhay na bayani, nang dahil sa paghangad nila ng kalayaan at demokrasya na atin nang tinatamasa ngayon.

    Ang pagsasabatas ng House Bill 54 ay hindi lang pagbibigay pugay sa mga bayani noon na siyang nagbigay sa atin ng ating demokrasya.  Para sa akin, ito ay ang diploma ng ating pagkatuto sa EDSA 1.

    Ang pagsasa-batas nito ay isa sa mga mahahalagang haligi ng pababago ng ating bansa.

    (Ipadala ang inyong mga liham ng komento at suhestiyo sa Lorenzo R. Tañada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Batasan Complex, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here