(Karugtong ng sinundang isyu)
At sina Atty. Rodriguez at EdPam
Na parehong mayor sa kasalukuyan
Ang nagsilbing mga tagapagtanggol niyan
Upang mailabas sila sa kulungan.
Na di nagkait ng kanilang suporta
Sa kilusan upang magabayan sila,
Sukdang pati buhay at propesyon nila
Ay malagay din sa panganib sa tuwina
Saka si Atty. Juanito Velasco
Noong ‘martial law’ at sa Edsa rin mismo
Nang patalsikin na ang dating Pangulo
Na si Apo Lakay sa pangungubyerno.
At ngayon matapos ang tatlong dekada,
Sina Alex at ang mga nakasama
Sa pagtuligsa sa rehimeng diktadura,
Ay pamuling minsan pang nagkita-kita
Sa HAU upang muling gunitain
Ang nakalipas na pagsuong sa dilim
Ng kanilang noon ay ‘Student Council’
Laban sa isang pamahalaang mapaniil.
(At kamay na bakal ang pina-iiral
Para manatili lang sa katungkulan;
At magpakabusog sa Kaban ng Bayan
Habang nagugutom ang nasasakupan).
“Na kung tutuusin” ani Cauguiran,
“Ang sirkumstansya at mga katauhan
Na hinarap natin saka nilabanan
Nang panahong iyon ay di napalitan
Kundi sa ibang mukha at mga pangalan,
Kaya marapat lang nating saluduhan
Ang kasamang hanggang ngayo’y lumalaban
Pagkat di pa naman lubos na nakamtan
Ang mithing paglaya nitong mamamayan
Sa kaapihan at mga kahirapan”;
(Kundi bagkus lumalaon, tumatagal
Lalong bumibigat ang pasang krus ni Juan?)
Yan ang panimulang binigkas ni Alex
Sa Reunion nilang mga magka-‘classmates’
Nang magkita-kita ang ‘staff & writers’
Ng kanilang ‘school organ’ na ANGELITE.
At aniya ay tila raw napapanahon
Ang muling pagkikita n’yan sa Reunion,
Pagkat itong ating mamamayan ngayon
Nahaharap muli sa isang situasyon
Na di nalalayo sa ipinaglaban
Ng “Kapit Bisig ng mga Mag-aaral”
Noong ang naghari sa ‘ting kapuluan
Ay diktadura at batas ng militar.
(At bale wala na ang ating husgado,
Kundi kagustuhan ng ehekutibo;
Ng dahil lamang sa ang dating Pangulo
May ginawang laban sa mga Aquino?)
Ano’t-ano pa man… itong mag-aaral
Na dating kasapi sa isang kilusan,
Laban sa mapang-aping pamahalaan
Ay marapat lang na mabigyang parangal.
Sa naging papel n’yan o partisipasyon
Sa isang aktibong samahang sinuong
Ang lahat pati na ang sila’y makulong
Makalag lamang ang pagkagapos noon
Ng Inang Bayan sa dikta ng ‘martial law’
Bilang isang ‘tribute’ na napapanahon;
Para sa dakila nilang kontribusyon
Sa pagsupil natin sa isang Diktador;
At sana ay di na maulit ang gayon
Na ang namayani’y mga kontra aksyon,
Na di nalalayo sa relasyon ngayon
Ng hudikatura at ni Mr. P-Noy!