ANO kayang klaseng gayuma mayroon
itong bagaman ay di mga propesyon,
na kagaya ng sa abogado, doctor
pero kung kumita r’yan ang isa, ‘billions;
Na kapag nasungkit ang ninanais na
maging katawagan, tulad ng iba pa,
marami, kabilang ang ilang artista
ang sa okupasyong ito ang luminya.
Kundi pati na rin itong sa boksing lang
naging ‘world champion’ ay nakisali na r’yan
sa magulong mundo na ginagalawan
ng mga ‘trapo’ at pahirap sa bayan.
At pinalad namang mapabilang siya
sa tropa ng mga ‘Epal’ na kagaya
r’yan ng halos buong buhay yata nila
ay sa pekeng pagsisilbi naaksaya.
Di ko sinasabing ang taong naturan
ay naging pabigat sa ginagalawan
niyang daigdig pero para humabol yan
sa pagka-pangulo tila kalabisan;
Na ng dapat nitong hangarin makuha
dahilan na rin sa baka di makaya
ni Paquiao ang maging ‘head of state’ siya
pagkat sa boksing lang yan ‘expert’ kumbaga.
Ganyan na ba ngayon kataas mangarap
si Manny, kung saan ang pinakamataas
na puesto sa bansa tuntungan at sukat,
nitong kung mangarap ay tanghaling tapat?
(Sikat ka na Manny, huwag mo nang hangaring
masungkit ang isang bagay na maaring
makasira, imbes ito’y ikagaling
ng isang gaya mong hinog lang sa boksing?
Na kung saan itong ating Inangbansa
ipinagkapuri ka at dinakila,
sumikat sa larong basagan ng mukha,
alalahaning ang ‘politics’ madaya).
At kahit kaya niyang tustusan ang laban
ng ‘billions of pesos’ walang katiyakan
na maipanalo ang inaasahang
nitong pag-angat pa ng kanyang pangalan.
Pero kung nais lang niyang makatulong
sa nakararami, na ya’y mai-ahon
sa hirap ng buhay, may akmang solusyon
na maiparating ang maitutulong.
Mayaman na siya, at kahit marahil
isang milyong tao, kayang pakainin,
kaya kaysa ang bilyons niya ay waldasin
sa isang bagay na mahirap sungkitin;
Mas makabubuting ipamudmod na lang
sa taongbayan ang salapi niyang tangan,
kaysa isugal sa walang katiyakang
panalo, na lubhang mahirap makamtan.
Pagkat kung dahil lang sa ambisyon nito,
na maging pinuno at itaya nito
ang ‘billions of pesos’ sa ganyang opisyo,
ipamigay na nga lang sa mga tao!