Punong barangay Ruperto Forbes (pangatlo mula sa kanan), mga kagawad at ilang opisyal sa barangay Sta. Lucia, Samal, Bataan. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan – Itinampok ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga kabataan sa ginanap na Barangay Assembly Day sa Barangay Sta. Lucia dito noong Sabado.
Bukod sa mga naipagawa, ginagawa, at gagawin pa ng barangay, isang State-of-the-Children Address (SOCA) ang naging mensahe ni Sta. Lucia punong barangay Ruperto Navarro Forbes.
“Layunin ng ating SOCA ang maiparating sa kaalaman ng lahat kung gaano kahalaga ang kapakanan ng bawat bata o kabataan sa lipunang ating ginagalawan,” panimula ng barangay chairman.
Noon, aniya, ay napakayaman ng imahinasyon ng mga bata sa mga laruang sila mismo ang nakaisip at gumawa.
Halimbawa ng mga ito ay ang mga lumang gulong na kanilang pinagugulong habang tumatakbo, iba’t ibang lata na ginawang munting laruang sasakyan, paglalaro ng patintero, tumbang preso, piko, luksong-baka, luksong-tinik at iba pa.
“Mababaw ang kaligayahan ng mga bata noon na kung ikukumpara natin sa mga kabataan ngayon ay malayong-malayo lalo na ngayong panahon ng pandemya. Iba na ang kinahuhumalingang laro ngayon at hibang na hibang ang mga bata sa iba-ibang uri ng gadgets,” sabi ni Forbes.
Pinayuhan ng punong barangay na isang pastor ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak. Hindi lang, aniya, games ang naka-install sa gadget kundi iba pa tulad ng pornograpiya.
“Maraming libangan ang pinagkakaabalahan ng mga kabataan ngayon na ang karamihan ay maaaring ikapahamak ng kanilang kalusugan o ng kanilang isipan. May posibilidad na ito ay maging daan upang ang mga kabataan ay maging malayo at walang takot sa Diyos,” sabi ni Forbes.
Bilang pangwakas, kailangan, aniyang, subaybayan, gabayan at ingatan ang mga kabataan upang lumaking responsible, respitado at disiplinado.
Samantala, pinasalamatan ni Forbes sina Gov. Albert Garcia, 1st District Rep. Geraldine Roman, 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III, Samal Mayor Aida Macalinao at maging si Marlyn Tigas ng provincial social welfare and development office at dating congresswoman Hermina Roman sa kanilang mga tulong sa panahon ng pandemya.
Pasasalamat
Nagpapasalamat din ang punong barangay sa mga kagawad, tanod, barangay health workers at pamunuan ng bawat sityo na tinawag niyang mga frontliners ng kanyang barangay.
Bago magkaroon ng lockdown dahil sa kinatatakutang coronavirus disease, naipagawa umano ni Gov. Garcia ang kanyang priority project na kalsada sa Sityo Benedict.
Nakapaglagay ng LED street lights sa mga sityo ng Kabyawan, Maube, Abella, Buenalyn, Benedict at Centro. Na–rehab ang steel gratings at canal sa Buenalyn at naipalinis ang ang ilog sa Benedict. Ang pondo sa mga ito ay galing sa 20 percent barangay development fund.
Sinabi ni Forbes na ang mga priority projects ng barangay sa 2021 ay ang paglalagay ng steel gratings sa Maube, karagdagang tubo sa water system sa Abela, pagkongkreto ng kalsada sa Abella at Benedict.
Kabilang sa mga proyektong hinihiling kina Gov. Garcia at Congresswoman Roman ay ang lupa para sa pagtatayuan ng barangay hall, day care center, barangay health center at barangay plaza, pagkongkreto sa slope protection ng creek sa Benedict, rehabilitation ng tulay sa Kabyawan at fire hydrant sa Centro.
Mahigpit na ipatutupad ng barangay council, ani Forbes, ang panghuhuli sa mga nagkalat na aso, road clearing at ang pagsusuot ng face mask sa paglabas ng bahay.
Ang mga kagawad na katuwang ni Forbes sa paglilingkod ay sina Zaldy Lazarte, Ryan Guardian, Norberto Buan, Ruperto dela Cruz, Juieta Manlapaz at Juanita Evora.