(Ikalawang bahagi)
Mapapansin din na habang lumalago ang teknolohiya at kaalaman, papahirap ng papahirap naman ang buhay lalo na dito sa Pilipinas.
Tumataas ang presyo ng halos lahat ng mga bilihin lalo na kapag tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ngunit hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa lalo na ang mga tinatawag na minimum wage earners.
Dahil sa hindi na kayang bumuhay ng pamilya (lalo na kapag may mga anak na) ang sweldong P350-P380 kada araw, makikita na madami ang mga nagiging patutot (prostitute) hindi lamang sa dalawang lungsod sa Pampanga kundi maging sa ibang mga bayan na malapit sa Clark Freeport Zone.
Maging sa mga resettlement areas sa Angeles City ay dumadami narin ang mga nagbebenta ng laman.
Nagtrabaho ako dati sa isang AIDS prevention project na pinondohan ng USAid noong 1999-2001.
Sa aking pagmamasid, halos walang mga Kapampangang nagtatrabaho sa mga bars sa Fields Avenue at sa kahabaan ng Friendship Hi-way sa lungsod ng Angeles sa mga panahong iyon. Puro sila mga taga-Bisaya at mga taga-Mindanao.
Ngunit kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong ma-interview ang dalawang entertainers na parehong Kapampangan.
Anila, ang halos mga guest relations officers sa mga laser karaoke, o maging sa mga maliliit na mga videoke sa Lungsod ng Angeles ay halos mga Kapampangan na.
Sa mga bars naman sa Fields Avenue ay sinabi nila na tatlo hanggang apat sa sampung mga entertainers ay mga Kapampangan.
Kahirapan sa buhay parin ang dahilan kung bakit pinili nilang magtrabaho sa mga karaoke bilang mga GROs. Malaki kasi ang kita dito.
Sa paglago ng teknolohiya, nakakapagtaka na lalo din dumami ang mga malulubhang mga karamdaman. Ang mga walang lunas na sakit kagaya ng diabetes, cancer at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) na bagama’t milyon-milyon ang halagang ginugugol sa mga pag-aaral at pagsusuri ay wala pa rin naiimbentong gamot para sa mga ito.
Nakakatakot din isipin na malaking porsyento ng pagkamatay ng isang tao ayon sa World Health Organization ay ang tinatawag na “overprescription of medicines”.
Nireresetahan tayo ng ibang mga duktor ng ibat ibang mga malalakas na gamot na hindi naman sinasabi sa atin ang mga side effects ng mga ito. Kung hindi nakakasira ng atay, ay nakakasira naman ng bato o ng ibang mga internal organs natin.
Madalas, sa pagpagpapa-check up sa mga ospital ay ang unang itatanong: “May medicard po ba kayo?” Kung wala ang iyong sagot, konting interview, konting tutok sa stethoscope, pagkatapos ay reseta na agad.
Ang sakit na iyong nararamdaman ay pansamantalang huhupa nga naman, pero ang totoong karamdaman ay nananatili parin at posibleng lumala pa.
Kung uugatin pa natin, ang mga sakit na nakukuha ng tao ay dahil din sa paglago ng teknolohiya. Ang mga de-lata na puno ng preservatives, mga processed na pagkain at mga inumin na gawa sa refined sugar ang lumalason sa ating katawan.
Sa araw araw nating pagparoot-parito ay nakakalanghap tayo ng usok ng sasakyan (carbon monoxide) na nakapagpapahina ng ating immune system.
Hindi natin pansin na may masamang epekto rin ang paglalagay ng mga pabango sa ating balat, ito ay nakapagpapahina din ng immune system. Pinapayuhan na ilagay o iispray nalang ang pabango sa damit bago ito isuot.
Maliban sa mga pagkaing nakakasama sa katawan, ang isa pang malalang bagay na naimbento ay ang pagpapasabog ng mga bomba gamit ang cellphone. Bagay na nakakabahala lalo na kung nakasakay ka ng bus papunta o palabas ng Maynila.
Sadyang nabubuhay na tayo sa panahong mapanganib. Hindi na natin alam kung hanggang anong edad pa tayo aabot.
Pero ang lahat ng mga masamang epekto ng makabagong teknolohiya ay dahil sa kagagawan ng mga taong ganid sa salapi at kapangyarihan.
Totoo ang sabi ng biblia:
“Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.” (2 Timoteo 3:1-5)