Jonjon gobernador pa rin, Obet maghahabol na naman

    364
    0
    SHARE
    MALOLOS – Si Gob. Joselito Mendoza pa rin ang punong lalawigan ng Bulacan, samantalang muling maghahabol si Gob. Roberto Pagdanganan sa Korte Suprema upang magkaroon ng pagkakataonG maupo sa nalalabing tatlong buwan ng termino.

    Ito ay matapos ilabas ng Korte Suprema ang desisyon noong Martes, Marso 23 na nagsabing nagkamali ang Commission on Elections (Comelec) ng ipag-utos nito na pababain sa puwesto si Mendoza kahit hindi pa pinal ang desisyon.

    Ipinagdiwang ng kampo ni Mendoza ang desisyon ng Korte Suprema, samantalang nagpahayag ng pagkadismaya si Pagdanganan at sinabing maghahain sila ng mosyon sa Korte Suprema upang ikunsidera ang desisyon nito.

    Sina Mendoza at Pagdanganan ay kapwa nag-aangkin sa pagiging gobernador ng lalawigan. Noong 2007, si Mendoza ay iprinoklama ng Comelec ngunit nitong Disyembre 1 ay pinawalang bisa ang nasabing proklamasyon at sinabing si Pagdanganan ang nagwagi sa halalan noong 2007.

    Nasundan pa ito ng isang desisyon ng Comelec en banc noong Pebrero 8 na kumatig sa desisyon ng ikalawang dibisyon nito noong Disyembre 1; at ang ikatlo noong Marso 4 kung kailan idiniin pa ng Comelec na si Pagdanganan ang nagwagi.

    Noong Marso 5, nagpalabas pa ng writ of execution ang Comelec na ang sipi at idinikit sa pader ng kapitolyo matapos tanggihang tanggapin ng kampo ni Mendoza na nagbarikada at naglagay ng mga barbed wire sa harap ng kapitolyo.

    Ang tatlong sunod na proklamasyon ng Comelec ay nawalan ng halaga ng pumabor kay Mendoza ang pitong mahistrado, kumpara sa apat na mahistradong pumanig kay Pagdanganan, samantalang dalawa ang hindi sumali sa botohan.

    Batay sa mga ulat, sinabi ng Korte Suprema na umabuso ang Comelec ng ipag-utos nito na bumaba sa puwesto si Mendoza samantalang hindi pa pinal ang desisyon.

    Ayon pa sa Korte Suprema, maituturing lamang na pinal ang desisyon ng Comelec sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng mga komisyuner.

    Ito rin ang naging argumento ng kampo ni Mendoza mula pa noong Pebrero 8 kung kailan ay sinabi nila na dapat ay apat na boto mula sa mga komisyuner ang nakuha ni Pagdanganan.

    Matatandaan na nakakuha ng tatlong boto mula sa Comelec en banc si Pagdanganan, kumpara sa isang botong nakuha ni Mendoza noong Pebrero 8. Tatlo namang komisyuner ang hindi bumoto.

    Gayunpaman, hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema dahil binigyan pa ng 15 araw si Pagdanganan na maghabol ng mosyon.

    Sa panayam ng Punto kay Pagdanganan noong Martes, Marso 23, tiniyak niya na magsusumite sila ng mosyon sa Korte Suprema upang ikunsidera ang desisyon nito.

    Ipinagdiwang naman ni Mendoza at mga empleyado ng kapitolyo ang desisyon ng Korte Suprema, samantalang ikinadismaya ito ni Pagdanganan at kanyang mga taga-suporta, na ang ilan ay nagsagawa pa ng demonstrasyon sa harap ng tanggapan ng Korte Suprema noong Martes.

    “Hindi ako makapaniwala,” ani Mendoza kay Bokal Christian Natividad ng siya ang salubungin nito sa harap ng kapitolyo noong Martes.

    Sa panayam ng Punto kay Mendoza, sinabi niya na “pangalawang buhay ko na ito bilang gobernador.”

    Para kay dating Gob. Josie del Cruz, ang nakatatandang kapatid ni Mendoza, isang himala ng panalangin ang naging desisyon ng Korte Suprema.”

    “Utang namin ito sa Diyos at sa lahat ng nanalangin para lumabas ang katotohanan,” ani Dela Cruz.

    Muli namang inulit ni Pagdanganan ang kanyang naunang pahayag hinggil sa “patingi-tinging” desisyon ng Korte Suprema.”

    “Malinaw na justice delayed, justice denied ito.  Injustice is being committed here,” aniya.

    Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Pagdanganan na, “the decision is a “grave injustice” to the people of Bulacan because for the past two and a half years, we patiently followed the due process of law hoping that in the end the truth will come out and the law will be on the side of the rightful winner, but now, I cannot comprehend how the SC arrived at its decision.” 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here