Home Headlines Jab sites ng Pfizer dinagsa 

Jab sites ng Pfizer dinagsa 

673
0
SHARE

Dagsaan ang magpapabakuna sa Bataan People’s Center. Kuha ni Ernie Esconde


 

LUNGSOD NG BALANGA — Sinasapantahang dahil Pfizer vaccine ang ibabakuna, na inamin naman ng ilan, kaya biglang dumagsa ngayong Huwebes ang mga magpapabakuna sa inoculation sites sa Bataan.

Mahabang pila maaga pa lamang ang nasaksihan sa Lou-is Resort at Capitol Square mall, mga vaccination sites para sa mga residente ng Balanga City, at sa Bataan People’s Center na para naman sa mga residente ng 11 bayan.

Pila ng mga magpapabakuna sa Capitol Square Mall

Sinabi ni Balanga City nurse Anabella Abella na medyo unusual ngayong araw ang sitwasyon sa Lou-is Resort na hindi tulad ng mga nakaraang araw.

“Hindi naman ganito karami ang nagpapabakuna na parang blockbuster ngayon. Biglang dumami. Maaaring Pfizer ang bakuna na isang dahilan ng mahabang pila,” sabi ni Abella.

Si Corazon Federico na nakapila sa Capitol Square mall ay inamin na kaya siya nagtiyagang  maagang pumila ng alas-8 pa lamang ng umaga ay dahil sa Pfizer ang bakuna. Napag-alaman na maraming pumila alas-5 pa lamang ng umaga.

“Wala akong tiwala sa Sinovac pero okay lang din naman kung ito ang ibabakuna pero kung may Pfizer ay doon ako,” sabi nito.

Naka-schedule na umano siya noon pa pero nagkasakit siya at nang gumaling siya at malamang may Pfizer vaccine ay muli siyang nagpa-schedule. “Okay naman ang Sinovac kaya nga lang mas trusted ang Pfizer,” pahayag ni Federico.

Si Angelita Monte De Ramos at asawa ay nakapila sa Capitol Square nang alas-8:30 ng umaga at naka-schedule na mabakunahan sa bandang hapon pa.

“Maaga kami para mabakunahan ng Pfizer. Kung Sinovac ay pwede na din pero mas maganda at gusto namin ang Pfizer na bakuna,” sabi ni Monte De Ramos.

Si Juliana Santos ay nasa malayong pila pa sa Capitol Square mall ngunit nagtityaga umano siya dahil kabilang siya sa slot na Pfizer ang bakuna niya bilang 17-anyos na may comorbidity. Sa kasalukuyan, bakunang Pfizer lamang ang pinahihintulutang gamitin  sa mga 17 – 18 taong gulang na dapat may kasamang magulang.

Wala naman daw pinipiling bakuna si Myrene Rivera na nakapila rin sa Capitol Square mall. “Kahit Sinovac ang bakuna ay magpapabakuna ako at wala akong pinipili,” sabi ng babae.

Nanibago naman daw si Roderick Amio ng Balanga  City public safety office dahil sa dami ng taong dumagsa sa mall. “Humaba ang pila dahil maaring Pfizer ang ituturok.”

Kasama ni Zakir Hissain Sikder, Bangladesh national, ang kanyang asawang Filipina na nagmula pa sa Mariveles, Bataan upang magpabakuna sa Bataan People’s Center sa Balanga City.

“Nakapila kami 4 a.m. pa.  Madaming taong nakapila dahil Pfizer ang bakuna.  Ito ang bakunang gusto ko at ayaw ko ng iba,” sabi nito.

Nagulat din si provincial health office chief Dr. Rosanna Buccahan sa biglang pagdami ng mga magpapabakuna.

Nagpalabas, aniya, ng paunawa si Gov. Albert Garcia para sa mga nagnanais magpabakuna ng first dose ngayong araw sa Bataan People’s Center. “Hindi na muna tatatanggap ng mga walk-in dahil naabot na ang target para sa araw na ito. Ipagpapatuloy bukas.”

Nakatanggap mula sa Department of Health noong Lunes ang PHO ng 7,020 single doses at ang Balanga City health office ng 1,752 single doses  ng Pfizer–BioNTech, sabi ni Buccahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here