CALUMPIT, Bulacan — Nanawagan sa bagong talagang hepe ng Philippine National Police Gen. Benjamin Acorda Jr. ang ina ng isa sa mga nawawalang sabungero dahil sa tila hindi na daw umusad ang kaso sa pagkawala ng mga biktima.
Ito ang panawagan ni Carmen Malaca, ina ng nawawalang sabungero na si Edgar Malaca ng naturang bayan.
Panawagan niyakay Acorda na sana ay matutukan ang kaso ng mga nawawalang sabungero dahil hindi naman ito natutukan ng mga nagdaang pamunuan ng pulisya.
Aniya, kung nais na linisin ni Acorda ang hanay ng kapulisan ay dapat na tutukan din nito ang kaso ng pagkawala ng mga sabungero dahil lumabas sa mga inisyal na imbestigasyon na may mga pulis din na sangkot.
Hindi pa rin maiwasan ni Malaca na maging emosyonal dahil sa pagkainip sa pagresolba sa kaso ng kaniyang anak. Aniya, hanggang ngayon ay wala na silang natatanggap na update man lang sa nasabing mga kaso at tila napabayaan na ito ng mga otoridad.
Dagdag pa niya, mas mainam pa ang ibang mga kaso ng pagpatay na napapabalita na agad na nareresolba ng mga otoridad samantalang mahigit isang taon na ang pagkawala ng mga sabungero ay hindi na umuusad ang paghahanap sa mga ito.
Samantalang pagdating sa kaso ng kaniyang anak ay wala pa silang napipirmahan man lang na dokumento na pormal na nagsasampa ng asunto laban sa mga posibleng nasa likod ng pagdukot.
Hindi na daw sila ipinatawag pa ng Department of Justice at ng CIDG para i-update man lang sa kanilang mga kaso.
Nanawagan din siya kay Pangulong Bongbong Marcos dahil hanggang sa ngayon ay wala pa rin daw itong naging tugon na humihiling na personal nila itong makaharap para makahingi ng tulong sa nasabing kaso.
Plano na rin daw nila na mag-rally sa harap ng MalacaƱang para lamang mapansin ng pangulo para matulungan sila na mahanap ang mga nawawalang sabungero.