Home Opinion “I don’t care, eh eh eh”

“I don’t care, eh eh eh”

1222
0
SHARE

I don’t care eh eh eh, ang huling nasambit
ng ginang bago siya, binaril ng pulis
pati ang anak na, yakap ng mahigpit
pinaputukan din, ng dalawang ulit

yan ay sanhi lang ng katagang narinig
nitong akusadong nagdilim ang isip,
na hindi nagawang pigilin ang galit,
palibhasa’y sanay pumatay ang lintik.

I don’t care eh eh eh, ay isang salitâ
na kung limiin ay di naman masamâ;
ito’y katugunan lamang ng matandâ
na sa pananakot ay di nabahalâ.

At sa ganang atin ang sagot ay tamâ
sa pangungusap na tinuran ng batâ;
na nahirati sa di magandang gawa
ng kanyang tatay na makapal ang mukha.

Sabihin man natin, na ito’y pabalang
ngunit di masama, yaong kahulugan
ang salitang “wala raw siyang pakialam”
madalas marinig, sa mga bangayan

At sa pagtatalo mahirap iwasan
ang mga kataga, na masahol pa r’yan;
lalo’t sa kagaya ng taong naturan,
na ang pagkitil ng buhay laruan lang.

Kung minsan ang taong likas na masama
sa emosyon nila hirap masawata
kaya’t ang kadalasan walang napapala
kundi kabiguan at pagkakadapa.

Ang pagtitimpi ay napakahalaga
sa pagkakataon na tayo’y inis na,
ang taong kung misan kulang ang pasensya,
ay siyang sa kulungan malimit magdusa.

Ang pagtitimpi ay, di lang nararapat
sa mga kawal at alagad ng batas
manapa ito ay ugaliin dapat
ng sinumang tao, anuman ang antas.

Maging mahinahon, sa lahat ng oras
upang sa peligro, tayo’y makaiwas,
ang pagsisisi ay palaging sa wakas
malimit makamit ng sinumang ungas.

I don’t care eh eh eh, kapagka narinig
tawanan na lang at huwag ikainis;
ito ay salitang, di naman masakit
di gaya ng mura, nakakapagngitngit.

Laging isa-puso, tuwina’y isa-isip
pag-iwas sa gulo, ligtas sa panganib;
nang di magaya sa tarantadong pulis,
na dapat balatan ng buhay ang bwisit.

Aywan lang sa ating ‘high ranking official’
ng PNP bakit ang kagaya niyan,
na noon pa man ay talamak na palang
kriminal di nila sinipa ang buwang?

Bantayan natin ang kaso nito, at huwag
nating hayaan na ibasket at sukat
ng mga kabaro nito upang di lumigwak
ang kaso n’yan kundi bitay ang marapat.

Nang di pamarisan ng ‘men in uniform’
na kumita lang at magbilang ng milyon
sa kinikita ay nagagawa nitong
papanatilihin sa puesto ang gunggong!

Vhelle V. Garcia
December 23, 2020
Abu Dhabi

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here