Hostage-taking sa loob ng bus

    471
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan – Isang hostage taking ang naganap sa loob ng Everlasting Transport Corp. sa south bound lane ng North Luzon Expressway nitong Lunes ng umaga.

    Ang suspek na si Lauro Sanchez y Garcia, 35, residente ng Agoncillo, Batangas, at shoe vendor, ay sumakay ng bus mula sa Tuguegarao ng Lunes ng madaling araw. Ngunit nang papasok na ang naturang bus sa NLEx papaluwas ng Maynila ay bigla na lamang nitong hinugot ang kanyang patalim at nang-hostage ng isang lalaki.

    Agad na inihinto ang bus sa Sta. Rita tollgate at naka-labas ng bus ang driver, kunduktor at karamihan sa mga pasahero ngunit naiwan sa loob ang 13 pang pasahero at isang lalaki na tangan-tangan ng hostage taker na may hawak na patalim.

    Agad na kinurdunan ng PNP ang naturang lugar at ikinasa ang negotiation. Nakastandby din sa paligid ang SWAT team at Provincial Public Safety Command. Isa sa demand ng hostage taker ay may makausap na media at sa loob daw ng limang minuto na wala siyang makakausap na media ay papatayin niya ang kanyang hostage kayat pinayagan ng PNP na may makausap ito sa hanay ng media.

    Ang mga pulis na sina Supt. Frankie Candelario at Senior Inspector Isagani Santos ang nagpanggap na media cameraman ngunit malaunan ay nagbago ang isip ni Sanchez at humihiling ng kotse bilang getaway vehicle.

    Nagbigay ito ng taning ng dalawang minuto at kung wala daw siyang makikitang kotse sa harapan ng bus ay papatayin niya ang kanyang hostage kayat naglagay ng isang kotse sa harapan ng bus ngunit muling nagbago ang isip nito at hiniling na sumakay ng bus ang mismong driver nito.

    Nakaalpas mula sa hostage taker ang hawak niyang lalaki at malaunan ay ilan pang pasahero ang nakatalon mula sa labas ng bintana ngunit nakakuha naman si Sanchez ng hostage na babae.

    Sigaw ng sigaw ang hostage na babae dahil sa takot. Muling nagbihis ang pulis na si Santos bilang driver ng bus ngunit malaunan ay ayaw ng magpasampa ng suspek sa sinuman papasok ng bus. Dito na pinalibutan ng kapulisan ang bus. Isa sa mga pasahero ang sumesenyas mula sa loob ng bus na maari ng pasukin ang hostage taker.

    Maya maya pa ay nakakuha ng tyempo ang PNP at pinasok na ang hostage taker. Inilabas ito mula sa auxiliary door ng bus habang nagbubuno ang mga pulis at hostage taker. Di na nakayanan ni Sanchez ang malaking pwersa ng pulis hanggang sa maagaw ang patalim sa kanya at siya ay maposasan.

    Sigaw ng sigaw ang suspek ng tulong na tila takot na takot hanggang sa ito ay maisakay sa PNP patrol car at dinala na sa Guiguinto Police Station. Bahagyang nasugatan sa kamay ang mga pulis na sina Candelario at Santos dahil sa pakikipagbuno sa hostage taker. Wala namang nasugatan sa hanay ng mga pasahero ng bus.

    Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa insidenteng ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here