LUNGSOD NG CABANATUAN – Anim na hepe ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO) ang naapektuhan sa pinakahuling balasang ginawa nito kamakailan.
Ayon kay Senior Supt. Roberto Aliggayu, NEPPO provincial director, kabilang sa mga nabago ang posisyon ay ang mga hepe ng pulisya sa San Jose City at mga bayan ng Cuyapo, Guimba, Laur, Nampicuan, Penaranda at Talugtug.
Sila ay sina Supt. Sidney Villaflor (San Jose City), Chief Insp. Alexander Aurelio (Cuyapo), Senior Insp. Danilo Eduardo (Laur), Senior Insp. Angelito Ramos (Penaranda), Senior Insp. Danilo Pajarillaga (Talugtug) at Senior Insp. Reynaldo Honrado (Nampicuan).
Noong nakaraang buwan, inalis ni Aliggayu si Supt. Renato David bilang hepe ng Guimba police station kasunod ng pagpaslang kay Mayor Restituto Abad ng Carranglan na naganap noong Feb. 4 sa nasasakupan ng una.
Si Villaflor ay naunang nabalasa at itinalaga bilang acting deputy provincial director for operations.
Pinalitan siya ni Supt. PeterNaboye. Si David ay nasa floating status sa NEPPO headquarters samantlang pumalit sa kanya si Supt. Reynaldo dela Cruz.
Si Aurelio ay itinalagang hepe ng provincial operations and plans branch at pinalitan ni Supt. Bernie Orig.
Si Ramos ang bagong hepe ng Laur police station kapalit ni Eduardo. Pinalitan naman si Ramos ni Pajarillagana ang posisyon ay inookupa ngayon ni Honrado. Inilagay sa dating posisyon ni Honrado si Senior Insp. Marlon Cudal.
Chief Insp. Arnel Santiago, hepe ng personnel and human resource development branch, ay nagsabing sa darating na dalawang linggo ay tatlong himpilan pa ng pulisya ang magkakaroon ng bagong hepe.
Ito ay ang Cabiao, Jaen at San Leonardo dahil sa pagre-retiro ng mga hepe doon.
Sinabi ni Santiago na si Chief Insp. Francisco Mateo II, hepe ng San Leonardo police, ay magre-retiro sa Mar 10 samantalang si Chief Insp. Raymundo Valera at Restituto Reyes Jr., mga hepe ng Cabiao at Jaen police (ayon sa pagkakasunod), ay magre-retiro sa Mar 15 at May 15.