Balimbingan sa paliparan

    494
    0
    SHARE

    Clark International Airport (CIA) o Diosdado Macapagal International Airport (DMIA)? Alin ang mas maganda at mas akmang pangalan para sa nasabing paliparan?

    Bago natin simulan ang debatihan, kailangang malaman muna natin ang ugat ng alitan.

    Para sa kaalaman ng nakararami, ang pagpapalit ng pangalan nito mula “Clark airport” noong 2011 na maging DMIA ay pinangunahan ni Victor Jose Luciano, ang presidente at chief executive officer ng Clark International Airport Corp. (CIAC).

    Ito ay sinasabing isang “regalo” kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayo’y kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga. Si Ginang Arroyo ay kasalukuyang nahaharap sa kasong electoral sabotage.

    Ngayong 2012, si Luciano din ang unang naghayag sa planong palitan at ibalik uli ang pangalan nitong CIA.

    Sa katunayan, isa siya sa mga pumirma at sumang-ayon sa resolusyong naglalayong palitan ang pangalan ng paliparan. Ito ay inaprubahan ng buong CIAC board.

    Subalit nakapagtataka na tila biglang natakot itong si Luciano at ngayo’y itinuturo si Felipe Antonio Remollo, ang presidente at CEO ng Clark Development Corp. bilang utak ng nasabing plano.

    Ito ay matapos pagbalingan siya ng reklamo at galit ng mga alkalde ng Pampanga sa isinagawang forum sa Clark na nagsasabing hindi dapat palitan ang pangalang DMIA ng CIA.

    Isa sa mga nagsalita at nagpahayag ng pagkadismaya ay si Alex Cauguiran, ang dating executive vice president ng CIAC at ngayo’y chief of staff ni Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan.

    q q q

    Para akong nakakita ng isang batang napagalitan at dahil sa takot ay biglang nagtuturo ng iba huwag lamang mahambalusan.

    q q q

    Ang nakakapagtaka ay kung bakit ang isang Kapampangan na nanguna upang palitan ang pangalan ng Clark airport na maging DMIA ay siya rin ang nanguna (at pumirma) upang muli itong ibalik sa pangalang CIA.

    q q q

    Ito ba’y balimbingan sa paliparan? O isang mahigpit na pagkapit sa kapangyarihan?

    Marami pa ba ang mga inaalagaan, tila matindi yata ang pangangailangan? O sadyang ugaling pagka-gahaman ay hindi na mapapalitan?

    Sa dami ng ulat ng garapalan na iyo namang pinaboran; ako ay nakatitiyak, tuwid na daan ay hindi mo nilalakaran.

    Isang Kapampangang kongresista, iyong ginagaya. Pagkatapos kumita sa dating kinikilalang ina, atsaka bumaligtad ng wala ng mahihita.

    q q q

    Ang pangakong gawing pangunahin at premyadong pandaigdigang paliparan.

    Ito ang tunay na isyu na dapat unahin at pagtuunan ng pansin. Ayon sa Pinoy Gumising Ka Movement sa pangunguna ni Ruperto Cruz, ang adbokasiyang ito ay mahigit ng 20 taong ipinaglalaban ng mga Kapampangan at ng mga karatig lalawigan sa Gitnang Luzon pati na ang mga taga Northern Luzon.

    Maging CIA o DMIA man ang pangalan kung hindi naman ito magiging premyadong paliparan, ay wala din itong kapupuntahan.

    q q q

    Sa pagsasalita ni Candaba Mayor Jerry Pelayo sa forum, nilinaw niya na hindi na-dismiss ang kasong graft na kanyang inihain laban kay Luciano sa Ombudsman.

    Ang na-dismissed umano ay ang mosyon na suspendihin ang CEO bilang presidente ng CIAC habang iniimbestigahan ito.

    Sinabi niya na isang panibagong kaso na naman ang kanyang ihahain sa Ombudsman.

    q q q

    CLRAA. Magandang senyales ang pagkapanalo ng Lungsod ng Angeles sa ikatlong pwesto sa overall ranking sa sekundarya sa nakaraang Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) 2012 na ginanap sa lalawigan ng Zambales.

    Bulacan parin ang nanguna at itinanghal na overall champion sa CLRAA 2012 at pumangalawa naman ang Pampanga.

    Mula sa pang-siyam, naging pang-lima ito nang nakaraang taon at ngayon naman ay pumangatlo.

    Kung mananatili ang disiplina at kasipagan ng mga atletang Angeleño sa pag-eensayo ay malaki ang pagkakataong masungkit nito ang kampeonato sa susunod na taon.

    Subalit nangangailangan ito ng malaking halaga ng salapi dahil hindi rin biro ang mga kagamitan ng mga atleta.

    q q q

    Taos sa pusong pakikiramay ng Punto Central Luzon sa mga pamilya ni Isagani Yambot, tagapaglathala ng pahayang Inquirer, na binawian ng buhay noong Biyernes.

    Isang beteranong mamamahayag na matalino, magaling at maipagmamalaki. Hindi siya kinakitaan ng kayabangan kundi bagkus ay kababaan ng loob.

    Mang Gani, mananatili kayong inspirasyon ni Mr. Jose Pavia sa aming mga bataang mamamahayag.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here