LUNGSOD NG CABANATUAN – Umaasa ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lalong pag-unlad ng ekonomiya ng Nueva Ecija ngayong taon.
Ito ay ayon sa ipinakikitang galaw ng bawat batayan, kabilang ang mataas na kita sa pagluluwas sa ibayong dagat at benta sa lokal na pamilihan ng maliliit na serbisyo at produkto, ayon sa isang mataas na opisyal.
Binanggit din ni Provincial Director Brigida Pili ng DTI ang pagbubukas ng bagong paraan ng pagrerehistro ng bagong negosyo na tinatawag na Philippine Business Registration (PBR) na nagpapabilis mula sa dating isang buwan patungong 15 minuto sa pag-proseso ng mga dokumento.
“Our businesses have learned to more competitive and market-sensitive,” ani Pili.
Kabilang sa mga lokal na negosyong nakapasok sa pandaigdigang merkado noong 2011, ani PIli, ay ang Better Country sa Gapan City na lumilikha ng brown rice, lampshade na yari sa Capis; Camilles Arts and Crafts, Science City of Muñoz (mga bag), Kababaihang Masigla ng Nueba Esiha, Quezon;
Nueva Ecija Processed Foods (mula sa prutas at gulay); Nu-Gen, Cabanatuan City Mahogany Wings, Inc. (processed foods mula sa karne); Cabiao, Nueva Ecija (miniature aircrafts) at Pervil Cosmetics (whitening products katulad ng mga sabon, lotions, at iba pa).
Sinabi ni Pili na ang mga produktong ito, ani Pili, ay nakalikha ng kabuuang benta sa ibayong dagat na $0.1888-million, higit na mataas kaysa target na $0.09-million.
“The sales came from participation to international trade fairs ($0.0134-million) and market matching activities ($0.1754-million) facilitated by DTI-Nueva Ecija,” sabi ni Pili.
Ang benta sa lokal na pamilihan ay umabot naman sa P103.941-million na mataas kumpara sa target ng ahensiya na P85.83-million.
“These sales came from participation to trade fairs, P17.859-million; market-matching facilitated by DTI, P85.778 million; Pasabubong Centers maintained by the province, P.303 million,” dagdag pa niya.
Ang mga Pasalubong Centers ay matatagpuan sa Alalay sa Kaunlaran, Inc. building, Mega Center, The Mall, at sa harapan ng National Food Authority (NFA) regional office sa kahabaan ng Maharlika Highway, pawang sa lungsod na ito.
Idinagdag niya na ang kabuuang puhunan na nalikha noong 2011 ay umabot sa P1.142 billion.
Nanguna naman sa investment facilitation ang Violago Rice Mill, Llanera Grains Complex at Vic del Rosario Rice Mill, pawang may kaugnayan sa agrikultura.
Sinabi din niya na ang pamuhunang ito ay nakalikha ng 12,713 trabaho na higit ding mataas kaysa 7,860 trabaho na target noong 2011.
“We have been assisting and ready to assist our entrepreneurs,” ani Pili. Iniulat niyang 78 pagsasanay na may kaugnayan sa marketing, pricing and costing, bookkeeping, financial management at produksiyon ang kanilang isinakatuparan sa nabanggit na panahon.