(KARUGTONG NG SINUNDANG ISYU)
KASI HINDI Bamban at Mabalacat lang
Ang apektado sa ‘dispute’ na naturan
Kundi pati na rin buong lalawigan
Ng Pampanga’t Tarlac ay posibleng damay.
Kaya sa puntong yan wala ng hihigit
Na posibleng lunas sa isyung nabanggit
Kundi magkasundo ang dalawang panig
Sa paraang kapwa nila ninanais
Na magamit, gaya ng ya’y pag-usapan
Sa mabisa’t napakasimpleng paraan,
Pagkat kung sa korte pa maghaharap yan
Ay tiyakang aabutin din ng siyam-siyam;
(Na kagaya r’yan ng nagtambak na kaso
Sa ’ting bar of justice sa panahong ito,
Na bago ma-‘resolve’ patay ng pareho
Itong may asunto sa ilang husgado).
Kaya nga’t kung yan ay sa korte dadalhin,
Ay baka ang ‘Bamban town’ ay ‘city’ na rin;
At ang ‘longest serving mayor’ na si Boking
Ay Solon na’t muling ‘longest serving?’
Pagkat ang ‘track record’ ng butihing Mayor
Bilang punongbayan ng Mabalacat town
Ay kapuri-puri’t bumilang ng taon,
Pagkat matapat siya sa kanyang posisyon).
Papanong pati na bahagi ng Porac
Ay parang kasama sa gustong mahatak
At masakop din ng probinsya ng Tarlac,
Gayong ito’y iba ng munisipalidad?
At karatig man ng Mabalacat city
Sa gawi ng Clark at ng Angeles pati,
Yan ay malayo na sa ‘subject boundary’
Ng Bamban at nitong lungsod na nasabi.
At kahit anhin man nating pakatingnan
Sa cadastral survey ang lupang naturan,
Napakaliwanag na lumampas na yan
O nag-overlap sa nais makuha n’yan
Kundi man ang parting hilagang-silangan
Gustong masakop ng buo nitong Bamban,
Kung saan naroon ang ilang industrial
At iba pang negosyong pangkalakalan.
Na aywan kung ito ang target kumbaga
Ng Bamban, kundi man ng Tarlac talaga
Kung saan dahil sa buwis na kinikita
Ng isa, nagkarun ng interest po ba?
Na masakop nga yan para maging parte
Ng Bamban – at saka masakop din pati
Ng ‘Province of Tarlac’ ang lupang nasabi,
Kapag natalo ang Mabalacat city
Sa pag-aagawan sa ‘disputed area,’
Na di matukoy kung alin sa dalawa
Itong ika nga ay may sakop talaga
Hangga’t di tuluyang yan ay maresolba?
Pero kung tayo ang siyang tatanungin,
Ay wala nang pinaka-the best marahil,
Kundi pag-usapan ng ‘provincial council’
Ng bawat panig ang pinakamabuting
Kaparaanan o posibleng solusyon
Upang ang kaso ay hindi na humantong
Sa sistemang kasabiha’y usad pagong
Na kalakaran sa ‘Court of Justice’ ngayon!