Home Opinion Ghost employees sa mga barangay, mayroon nga ba? 

Ghost employees sa mga barangay, mayroon nga ba? 

2337
0
SHARE

1.

Sa mga barangay pala mayroon ding ghost employees

yan ang usap-usapan na palagi kong naririnig

sila yaong mga taong diumano’y tumangkilik

sa kapitan kaya ito  sa halalan ay manaig

dahil sa utang na loob ang gantimpalang kapalit

may sahod din sa barangay ayon sa aking bubuwit

2.

Sila ay ang mga taong may malalaking pamilya

na kasama ni kap noon sa kanyang pangangampanya

na kanyang pinangakuang sa oras na mahalal siya

lahat sila kada buwan ay tatanggap ng ganansiya

sila rin ang prayodad at palaging nangunguna

sa listahan kung sakaling may dumating na ayuda

3.

Ang mga ghost employees ay nakaupo lang sa bahay

sa kanilang sasahurin ay matiyagang naghihintay

daig pa ang pensiyonado  na laging nakaantabay

sa mga perang dadapo sa kanilang mga kamay

kaya sila’y binansagang palamunin ng barangay

na sa kaban ng bayan ay katuwang din sa paglustay

4.

Kaya tama ang tinuran ni brother Eli Soriano

hinggil sa pagpili natin kung sino ang iboboto 

ang takbo ng pulitika ay wala ng pagbabago

habang may utang na loob na babayaran ang tao

sa pagitan ng botante at ng mga pulitiko

lalo na sa mga lider na tuwina’y nag-eendorso

5.

Ghost employees sa barangay kadalasang nakikita

nitong mga usisero at maging ng usisera

sa tuwing katapusan ng buwan ay palaging pumupunta

sa barangay upang kunin ang buwanang sahod nila

kung minsan ang ginagawa iba ang pinakukubra

upang hindi mahalata kumbaga’y patay malisya

6.

Ilang barangay kaya ang mayrong mga ghost employees

na sa pondo ng bayan ay kasama ring umuumit

di ba sila nahihiya sakaling may makabatid

sa kanilang kababayan  na nasa paigid-ligid

ang kanilang puhunan ay mabagot sa pagkainip

at di man tinuluan ni gapatak man na pawis

7.

May mga ghost employees ba sa inyong mga barangay? 

mayroon din ba sa inyo ano ang inyong palagay? 

sila yaong mga taong walang pirming hanapbuhay

tuwing katapusan ay sa barangay hall nakatambay

doon makikita ninyo na matiyagang naghihintay

maaliwalas ang mukha at may NGITI NG TAGUMPAY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here