FORT RAMON MAGSAYSAY, Palayan City – Masusing iniimbestigahan ngayon ng 7th Infantry Division ng Philippine Army ang ulat ng Philippine National Police na posibleng sa Fort Ramon Magsaysay, na nakabase dito, nanggaling ang halos 13,000 bala na nakuha sa nadakip na mag-asawang gunrunner.
Sa panayam ay sinabi ni 7ID spokesperson Col. Eugenio Julio Osias IV na kasama nila ang intelligence unit ng militar at ang PNP sa imbestigasyon upang matukoy kung totoo na sa Fort Magsaysay ang pinagmulan ng mga balang nakumpiska mula sa mag-asawang Edgardo at Rosemarie Medel ng Gapan City kamakailan.
Hinihinalang ang mag-asawang Medel ay konektado at nagsu- suplay ng armas sa mga grupong Maute.
Konektado rin daw ito sa dalawang pulitiko.
Ayon kay Osias, sa pamamagitan ng pagtingin sa lot number ng mga bala ay matutukoy kung saan nanggaling at kanino inisyu ang mga ito.
Nilinaw naman ni Osias na hindi sa anumang unit ng Armed Forces of the Philippines nanggaling ang mga baril, batay aniya sa imbestigasyon.
Paglilinaw pa ng opisyal, may iba’t ibang unit ng sandatahang lakas sa loob ng Fort Magsaysay bagaman at nasa ilalim ito ng pangangasiwa ng 7ID.
Kabilang dito ang Special Forces (SF), Special Operations Command (Socom) Light Artillery Regiment (LAR), at iba pa.
Tinitingnan naman aniya nila ang imbestigasyon na isang pagkakataon upang linisin ang kanilang hanay kung totoo na mayroon ngang tiwali dito.
Ang mag-asawang Medel ay nasakote sa buy-bust operation sa Valenzuela City kamakailan.