Earth Hour muntik ng maging 8-hour brownout

    457
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan – “Mukhang hindi Earth Hour ngayon, ‘eight hour’ yata ise-celebrate.”

    Ito ang mapagbirong pahayag ni Fortunato Dionisio ng Barangay San Pablo ng Lungsod ng Malolos ilang oras bago isagawa ang paggunita sa 2011 Earth Hour noong Sabado, Marso 26.

    Ito ay dahil sa tatlong oras na brownout na nagsimula alas-2 ng hapon.  Muling nagbalik ang suplay ng kuryente pasado alas-5 ng hapon ng araw na iyon.

    Ang biglang pagkawala ng suplay ng kuryente ay sanhi ng problema sa sub-station ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na matatagpuan sa Barangay Bagumbayan, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

    Ang nasabing sub-station ang nagpapadaloy ng kuryente sa San Jose-San Manuel Line ng NGCP.

    Dahil sa nasabing problema, nawalan ng suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng Kalakhang Maynila at Bulacan katulad ng mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Calumpit, Guiguinto, Plaridel, Balagtas, Obando, Marilao, Bocaue at mga bahagi ng mga lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose Del Monte.

    Napilitang lumabas ng bahay ang maraming Bulakenyo sanhi ng pagkawala ng daloy ng kuryente sa kanilang tahanan.

    “Akala ko part na yan ng Earth Hour,” ani Rommel Ramos, ang tagapamahala ng Radyo Bulacan na pansamantalang natigil sa pagsasahimpapawid dahil sa kawalan ng kuryente.

    Ang himpilan ng Radyo Bulacan na matatagpuan sa Barangay Sta. Rita ng bayang ito ay nakatanggap naman ng sunod-sunod na text message na nagtatanong kung ano ang nangyari.

    Sa kabila ng mga katanungan hinggil sa brown-out at pag-aakala ng marami na ito ay bahagi ng paggunita sa Earth Hour, sinabi ni Dionisio na “hindi na Earth Hour ito, kapag tumagal pa ito, eight hour brown-out na ang itatawag dito.

    Ang pagbibiro ni Dionisio ay nabanggit din ng ibang Bulakenyo, partikular na ang mga dumalo sa paggunita sa Earth Hour sa SM City Marilao noong araw na iyon.

    “Buti na lang nagkaroong kuryente, akala namin ay eight hour brown-out na naman,” ani ng isang empleyado ng SM City Marilao na nakabalita hinggil sa brown-out mula sa mga Bulakenyong nasa loob ng mall.

    Ayon naman sa ilang mall goers, napaaga ang punta nila sa SM City Marilao dahil sa nawalan ng kuryente sa kanilang bahay.

    Para naman sa mga Bulakenyong nanatili sa kanilang mga tahanan tulad ni Fe Faundo ng Hagonoy, ang biglang pagkawala ng kuryente ay maituturing na “compulsory participation” sa Earth Hour.

    Para naman kay Edric Del Rosario, isang manggagawa sa Palimbagan ng Pulilan, ang nasabing brown-out ay nangangahulugang tigil trabaho.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here