Sina former PACC chief Greco Belgica at PACC commissioner and spokesperson Yvette Contacto nang humarap sa media kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa reklamo ng pamamahagi ng Livelihood Assistance Grant. Contributed photo
PANDI, Bulacan —- Inatasan ng Department of Social Welfare and Development ang Magic 7 Cooperative na ibalik ang kinolektang mga pera na nagkakahalaga ng hanggang P10,000 mula sa mga benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant (LAG).
Ang LAG ay P15,000 ayuda ng pamahalan kada kwalipikadong indibidwal na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya ng Covid-19.
Ito ang inihayag ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner and spokesperson Atty. Yvette Contacto sa isang virtual press conference nitong Miyerkules.
Ani Contacto, sa ginawang pagdinig ng Task Force LAG kasama ang National Bureau of Investigation ay ipinatawag nila ang Magic 7 Cooperative na pinamununuan ni Nick Cabias, ang DSWD, lokal na pamahalaan ng Pandi at ang mga nagrereklamong benepisyaryo para ilatag ang kanilang mga panig.
Dito ay inamin aniya ni Cabias na hindi pa rehistrado hanggang sa kasalukuyan ang kooperatiba nito at nangolekta ng P5,000 hanggang P10,000 mula sa mga LAG beneficiaries.
Lumabas din sa imbestigasyon na batay sa DSWD Memorandum Circular No. 19 Series of 2020 ay nakalaan bilang individual benefit ang LAG na taliwas sa ginawang pangongolekta ng Magic 7 Cooperative na ang intensyon ay gawin itong livelihood program ng kanilang mga miyembro.
Kasunod nito, ani Contacto, ay inatasan ng DSWD ang Magic 7 Cooperative na ibalik ang mga kinolektang pera mula sa mga benepisyaryo ng nasabing ayuda.
Napag-alaman ng PACC na kumulekta ang kooperatiba ng pera sa humigit-kumulang 1,000 indibidwal mula sa 3,500 LAG beneficiaries sa Pandi.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lang ng PACC ang mga pinasusumiteng ulat mula sa DSWD at imbestigasyon ng NBI bago sila makapag-sumite ng final recommendation sa tanggapan ng Pangulong Duterte o magsampa ng kaso sa Ombudsman.
Samantala, inaasahan naman ni former PACC chief Greco Belgica na kagyat na matatapos ang pagdinig ng Task Force LAG hanggang sa katapusan ng buwan ng Oktubre.
Matatandaan na itinatag ni Belgica ang Task Force LAG noong ito pa ang namumuno sa ahensya para sa mabilis na pagdinig sa reklamo ng mga benepisyaryo na dumulog sa kanilang ahensya.
Ani Belgica, masusi ang ginagawang imbestigasyon dito ng PACC para tumindig sa hukuman ang kaso at maparusahan ang mga posibleng gumawa ng katiwalian at hindi ito mabasura lamang kalaunan.
Sa panayam naman sa telepono kay Cabias ay sinabi nitong kasalukuyan na silang nagbabalik ng mga kinolektang pera at humingi ng palugit sa DSWD na matapos nila ito sa loob ng anim na buwan. Punto News Team with PACC