DOJ, Department Store of Justice na?

    296
    0
    SHARE
    Nitong umugong ang kontrobersya hinggil
    Sa diumano ay talamak na ‘case fixing’
    Na nangyayari sa ‘justice system’ natin
    Ay naalarma ang marami sa atin.

    Partikular na ang mayrung nakabimbing
    Asunto sa Korte na kung saan mandin
    Ang kalaban nito sa kanyang usapin
    Ay mayaman at ang gusto’y kayang bilhin.

    Kasi kung totoong yan ay nagaganap
    Sa DOJ o sa alin pa mang antas
    Ng Court of Justice dito sa Pilipinas,
    Ano pang silbi ng ating mga batas?

    Na nilikha upang siyang maging sandigan
    Ng makatao at patas na katuwiran,
    Kung ya’y nabibili na ng mayayaman
    At maimpluwensyang tao sa lipunan?

    Ya’y matinding dagok para sa mahirap
    Na ang ka-asunto nito ay mapilak
    Kapag nagkataong ang Piskal o si Judge
    Ay kabilang nitong mahilig tumanggap!

    Matagal nang isyu ang naturang bagay
    Na kung saan partikular na nga po r’yan
    Ay kadalasan nang bago pa man mag-file
    Ng complaint ang dukha, naka-timbre na yan;

    Sa kung kanino mang Piskal maaaring
    Ma-assign ang kaso, sabihin man nating
    Ya’y magdaraan sa raffle na gagawin,
    Bunsod nga po nitong rampant na ‘case fixing’!

    O kung hindi man sa ganitong paraan
    Karaniwang yan ay posibleng ‘makatay’,
    Ito’y sa haba ng panahon po naman
    Ng paglilitis sa kaso tatagalan!

    At natural lang na walang itatagal
    Ang walang madukot lagi sa lukbutan,
    Hanggang sa hindi na nito makayanan
    Ang sa husgado ay makadalo minsan;

    Lalo’t sa panahong ito na ang bista
    Ay di pupuede ‘yung laging walang kwarta;
    Pagkat tama’t ikaw itong nagdimanda
    At iyo ang Piskal ay kampante ka na.

    Kasi nga, gaya n’yang itong ‘justice system’
    Ay nareretoke at kayang plantsahin
    Ng nakauungos at/o nasa poder,
    Saan na ang dukha posibleng pulutin?

    Kung ang timbangan ng matuwid at tama
    Ay nabibili na at nasasalaula
    Sa kamay ng ilang ngayo’y naglipana
    Nating mga Fixcals at Huwes na masiba?

    Gaya na lang nitong isyu ng lagayan
    Hinggil sa Alabang Boys at ilang Piskal,
    Yan sa ganang amin ay di simpleng bagay
    Na basta na lamang natin hahayaan.
     
    Kaya, kung kami ang inyong tatanungin
    Hinggil sa isyung yan ng ‘rampant case fixing,’
    Ang tanging maire-rekomenda namin:
    Ang mahuli’y patiwarik na ibitin!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here