Home Headlines Diyos na nag-aapoy

Diyos na nag-aapoy

679
0
SHARE

MEDYO NAKAKATAKOT ang dating ng mensahe ni Hesus sa ebanghelyo natin
ngayon. Kailangan nating pagnilayang mabuti para makuha natin ang mabuting
balitang hatid nito. Sino ba’ng hindi matatakot sa ganitong mga salita:
“Naparito ako upang magdala ng apoy sa mundo, at hangad ko na mapagningas
na ito!” Sabi pa niya, “Akala ba ninyo kapayapaan ang hatid ko sa lupa? Hindi. Ang
hatid ko ay pagkakawatak-watak.”

Kapag may brown-out at sanay kang matulog na may nakasinding electric fan o
aircon, natural mahihirapan kang matulog. Hindi ka mapayapa hangga’t hindi
bumabalik ang kuryente. At lalong hindi ka mapapayapa kung ang dahilan ng
pagkawala ng kuryente ay hindi brownout kundi power disconnection dahil
matagal ka na palang hindi nagbabayad ng electric bill.

Kung sasabihin ni Kristo na naparito ako para bayaran ang electric bill mo upang
makonektang muli ang bahay mo sa kuryente, hindi ba good news iyon? Ano ba
ang pinagmumulan ng kuryente natin kundi apoy?

Minsan nakakalimutan natin ang pakinabang na dulot ng apoy sa buhay ng tao.
Palagay ko, noong panahon ng Stone Age, noong mababa pa ang antas o level ng
sibilisasyon, ang tingin ng tao sa apoy ay isang bagay na nakakatakot. Sino ba ang
hindi matatakot kapag nilamon ng apoy ang bahay mo? SUNOG ang tawag natin
sa apoy na nakasisira. Madalas mangyari ang mga sunog dito sa siyudad, lalo na sa
mga makipot na kabahayan sa mga informal settlers. Ang bilis kumalat, ilang
minuto lang daan-daang mga pamilya na ang mawawalan ng bahay. At sabi nga
nila, bagyuhin ka na o lindulin, huwag lang masunugan, kasi ubos lahat!
Kapag sunog ang unang pumasok sa isip natin kapag nababanggit ang apoy,
talagang matatakot tayo. Kaya siguro sunog ang ginagamit na paglalarawan sa
impyerno o kaparusahan sa karamihan sa mga relihiyon.

Pero hindi na tayo nabubuhay sa Stone Age, di ba? Ang layo na ng inabot ng
kabihasnan ng tao mula nang matutunan nating tingnan ang apoy sa mas
positibong pakinabang nito. Di ba isang malaking bola ng apoy ang araw? Di ba
hindi naman posibleng manatili ang buhay sa daigdig kundi dahil sa liwanag at init
na dulot ng apoy ng araw?

Sa kasaysayan, maraming nagbago sa buhay ng sangkatauhan nang matutunan
nating gamitin nang tama ang apoy. Nakaimbento tayo ng mga makina na
pinatatakbo ng apoy, ang tinatawag nating “spontaneous combustion.” Maraming umunlad nang matutuhan nating gamitin ang apoy para sa power
generation—para magpakilos, magpagalaw, magpatakbo nga mga
sasakyan—magpalipad ng mga eroplano, magpaandar ng mga barko, magpatakbo
ng mga kotse at bus. Ginagamit din natin ito para makapag-generate ng
kuryenteng magbibigay ng init ng mga “heaters” kapag winter, ng lamig ng
“aircon” kapag summer, ng liwanag ng mga ilaw kapag gabi.

Nalulungkot ako kapag nakakalimutan natin na sa Bibliya, apoy din ang madalas
na gamitin para ilarawan ang pagsasaatin ng Diyos. Di ba sa pamamagitan daw ng
isang nag-aapoy na punongkahoy unang nagpakita ang Diyos kay Moises? Di ba sa
anyo daw ng mga dilang apoy bumaba ang Espiritu Santo sa mga alagad? Di ba
ulap sa umaga at apoy sa gabi ang gumabay sa mga Israelita patungo sa lupang
pangako? Di ba isang Kristong may nag-aapoy na puso ang paglalarawan natin sa
Diyos na tumutubos sa mga makasalanan?

Kaya nga sa templo ng mga Hudyo ang gawain ng mga pari ay alagaan ang apoy
para hindi ito mamatay kahit kailan. Gawain daw ng mga pari na laging alisan ito
ng abo, lagyan ito ng bagong panggatong para mapanatili itong laging
naglalagablab.

Talagang pakinabang ang apoy kung aalagaan ito, kung gagamitin nang tama. Pero
hindi pakinabang ang idudulot nito kung imbes na alagaan, ito ay paglalaruan.
Kaya may kasabihan tayo – “Huwag kang maglaro ng apoy.”

Sa Pentekostes luminaw sa mga apostol kung ano ang tinutukoy na apoy na nais
dalhin ni Hesus sa mundo: ang Espiritu Santo – ang nagpapaalab sa pag-ibig ng
Diyos sa ating puso at kaluluwa at nagdudulot ng pagkakaisa ng mga alagad bilang
katawan ni Kristo.

Kung kayang patigasin ng apoy ang putik para ito ay maging tisa, paso, palayok o
banga, kaya din ng apoy na palambutin ang matigas na bakal at tunawin ang ginto
para linisin o dalisayin ito. Kaya siguro apoy din ang simbolo ng purgatoryo—hindi
apoy na sumisira kundi apoy na lumilinis o dumadalisay – katulad daw ng
maduming ginto na tinutunaw para alisin ang dumi nito at lalong tumaas ang
kilatis o halaga nito.

Totoo, gusto nating magkaisa at ayaw nating magkawatak-watak. Pero ang tunay
na pagkakaisa ay dadaan muna ng maraming pagsubok. Hindi naman tayo bigla na
lang nagkaisa bilang isang bansang Pilipinas kung hindi muna tayo natutong
manindigan nang sama-sama para ipaglaban ang ating kalayaan. Kinailangan
munang lumaban at magbuwis ng buhay ng maraming mga bayani at martir
upang tayo’y maging isang bayang malaya at nagkakaisa.

Pwede kasing pagkaisahan ng mga tao ang masamang hangarin. Kahit ang
dimonyo ayaw daw niyang mahati ang kanyang kaharian, sabi ni Hesus. Kaya nang
magkaisa ang mga nagtatayo ng tore ng Babel, sabi daw ng Diyos, “Hindi maganda
ang pagkakaisang ito.” Ano ang ginawa niya? Binuwag niya. Pinagsalita sila ng
iba’t ibang linggwahe kaya nagkawatak-watak sila.

Upang tunay magkaisa ang tao, kinailangan muna nating matutong makipag-usap,
makinig, makipag-ugnayan, magkipagkapwa, makipagkaisang puso at diwa para sa
tama, sa totoo, sa nararapat. At ito ang binigyang katuparan ni Hesus nang
ipadala niya ang apoy ng Espiritu Santo. Binigyan niya tayo ng “dilang apoy”.
Tinuruan niya tayong magsalita ng linggwahe ng Diyos, ang linggwahe ng pag-ibig,
malasakit, katotohanan at katarungan para akayin tayo tungo sa tunay na
kapayapaan at pagkakaisa.

(Homiliya Para sa Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-14 ng Agosto 2022,
Lk 12:49-53)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here