Home Opinion Diwa ng Himagsikan

Diwa ng Himagsikan

1346
0
SHARE

ISANG MADUGONG pakikibaka tungo sa pagbagsak ng naghaharing uri.
Ito ang klasikong bigay-kahulugan sa katagang rebolusyon o himagsikan. Kahulugan na umusbong mula sa pagkalas sa Inang Inglatera ng 13 nagkaisang kolonya ng Amerika noong 1776, at sa pag-aklas sa Pransiya laban kay Louis XVI noong 1789.
Naging modelo rin ng klasikong kahulugan ang himagsikang Sobyet ni Lenin noong 1917, ang digmaang sibil sa Tsina noong dekada ’40 na pinagwagian ni Mao, at ang tagumpay ni Castro at Guevara sa Cuba noong 1959.
Hindi natatapos ang himagsikan sa pagbagsak ng naghaharing uri. Sa kaisipang Marxista-Leninista-Maoista, nakaukit ang pangangailangan ng isang patuloy na himagsikan, kaipala’y upang harangin ang likas na pagnanasa ng mga ibinagsak na makabalik muli sa poder at sa rurok ng pamamahala sa estado. Sa wikang Ingles: the need for a continuing revolution to block counter-revolution by the reactionary forces, both foreign and home-grown.
Ang reaksyonaryong puwersa ang pinakamasidhing kalaban ng himagsikan. Ito ang sagabal na bibigo, sisilat o kikitil sa kaganapan ng tagumpay ng himagsikan: ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng masa. Na matutupad lamang kung ang liderato ng pamahalaan ay manggagaling mismo sa kanilang hanay.
Suriin natin ang ilang aspeto ng kasaysayan.
Hindi natapos ang himagsikan sa Amerika nang isuko kay Washington ni Cornwallis ang lahat ng puwersang Ingles sa Yorktown, Virginia noong 1781 gayong ganap nang naglaho ang tangan ni George III sa 13 nagkaisang estado.
Bagama’t itinadhana ng Declaration of Independence ng mga estadong ito na ang lahat ng tao ay nilalang ng Diyos na pantay-pantay, hindi kasali dito ang may 650,000 aliping Itim, 250,000 aliping bayad-utang, at 300,000 katutubong Amerikano o Indian na noo’y naninirahan sa mga kolonya. Pati na ang mga kababaihan ay hindi sakop ng pahayag ng kasarinlan.
Kinailangan pa ang Emancipation Proclamation ni Lincoln at ang digmaang sibil noong 1861-1864 o kulang-kulang 100 taon mula Himagsikang 1776 upang mapalaya ang mga Itim sa pagka-alipin.
Kinailangan pa ang martsa ni Martin Luther King at ang kanyang talumpating I Have a Dream sa Washington, D.C. noong 1963 o 100 taon na naman mula kay Lincoln upang maging ganap ang pagsasa-batas ng kalayaan ng mga Itim at maging kapantay ng mga Puti sa mga karapatan.
Ang kada-100 taon na mga kaganapan na yaon ang maituturing na milestones in the continuing revolution sa Amerika. (Na masasabing nagkaroon ng sukdulang kaganapan sa pagkahalal kay Obama bilang unang Itim na pangulo ng Estados Unidos noong 2008).
Iba naman ang kinahinatnan ng himagsikan sa Pransiya. Pinugutan ng ulo si Louis XVI at kanyang reynang Marie Antoinette. Ang mga naghahari at nagpaparing uri – monarkiya at simbahan – ay binawian ng poder, ari-arian, pati na rin buhay.
Sa pagkawala ng aristokratang hanay, uring burgis ang namayani, naghari at nang-api sa masang Pranses. Ginipit ang mga unyong manggagawa, sinupil ang karapatan ng mga maliliit at tuwirang nilapastangan ang adhikain ng himagsikan – liberte, egalite, fraternite.
Naghari ang lagim, namayani ang sindak sa reign of terror – na kumitil sa buhay ng daan-daang mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sumiklab ang pag-aalsa at malawakang kaguluhan na nagbigay daan sa isang golpe militar na nagbunga sa pagbulusok ni Napoleon Bonaparte na siyang nakapagpatahimik sa bansa at nagpanumbalik sa monarkiya sa pamamagitan ng kanyang pagkorona sa kanyang sarili bilang emperador.
Si Lincoln at Napoleon, pati na rin sina Lenin, Mao at Castro – magkakaiba ng pananaw, paninindigan, pamamaraan, at landasin subalit lahat sila’y tinaguriang mga bayani ng kasaysayan dahil sa kanilang kahalagahan sa critical moment sa buhay ng kanilang bansa. Ito ay ayon sa Kanluraning kaisipan na pinasikat ni Arnold Toynbee sa kanyang A Study of History.
Tunghayan naman natin ang sarili nating kasaysayan.
Sa isang talata ng kanyang epikong Bayang Malaya ay ipinaloob ni Ka Amado Hernandez ang kasaysayan ng Pilipinas: 

“Nagsuot ng kalmeng bigay ng Espanya, 

kalmen nang lumaon ay naging kadena. 

At itong Amerika na bagong katoto ang dala’y de-lata, 

laya ang kinuha ininom ang bayang parang Coca-Cola.”
Isang naunsyaming rebolusyon ang Himagsikang 1896 dahil inagaw ng mga Amerikano ang tagumpay mula sa ating mga Pilipino.
Sa EDSA noong 1986 ay ipinangalandakan na nagkaroon na ng kaganapan ang 1896. Maliban sa pagkarambol lamang ng mga numero ng mga taon, ito ay isang paglapastangan sa kasaysayan.
Ang pagkakaroon ng EDSA Dos ang malinaw na patunay na wala ngang himagsikang nangyari noong 1986. At wala ring himagsikang naganap sa EDSA nitong 2001 sa pagkatalsik ni Estrada. Hindi dahil sa walang dumanak na dugo. Kundi dahil walang naganap na pagbabago. Lalo’t higit walang pagbuti sa antas ng buhay ng mga mamamayan.
Ang naganap ay isang rigodon lamang kung saan mukha lamang ang nagkaroon ng palitan sa liderato ng bayan. Mula sa isang naghaharing uri, isinalin ang poder sa kanilang kauri. Naisulat ko nga sa likod ng kaha ng sigarilyo matapos ang rurok ng kaluwalhatiang hatid ng EDSA noong 1986:

Wala.
Walang himagsikan sa EDSA.
Kumaripas ng takbo ang lahi ni Hudas,
Pumalit nama’y lipi ni Barabas.
Ano ang nabago?
Mukha.
Hindi prinsipiyo.
Adhika ng liderato: palawigin ang status quo –
Piyudal na agraryo, burukrata kapitalismo,
Bansa’y sakmal pa rin ng puting tsonggo.
Aklas ng bayan, pinagsamantalahan
Trahedya ni Bonifacio muling nagka-kaganapan,
Imbing ilustrado ang nakinabang.
Wala.
Walang himagsikan sa EDSA.
Burgis, uring naghahari pa rin;
Ang masa, sa araw at gabi, inaalipustang alipin.
Ano ang nagbago?
1986. Pinatalsik ng bayan sa panguluhan si Ferdinand Edralin Marcos. 2022. Pinili ng bayan sa pagkapangulo si Ferdinand Romuladez Marcos Jr. 

Tatlungpu’t walong taon – o isang henerasyon lamang – ang lumipas burado na lahat – hindi na nga ginawang piyesta opisyal – ang araw ng EDSA.

Wala, wala sa EDSA ang himagsikang Pilipino. 

Pagtibayin ang puso, tungo sa panibago at pina-igting na pakikibaka.

(BALIK-TANAW sa pinaglumaang yugto ng kasaysayan, hawi sa lukut-lukot na pahina ng dyaryong dating pinagsulatan, petsang Pebrero 19, 2001 at muli’t muling nililimbag ng may mga napapanahong karagdagan.)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here