Home Headlines Dito na, ngayon na

Dito na, ngayon na

576
0
SHARE

ANG PAGPAPAHAYAG kay Hesus bilang Hari ay isa sa pinaka-epektibong paraan ni Satanas PARA WASAKIN ANG SIMBAHAN. Kaya gusto kong umpisahan ang pagninilay na ito sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Pista ng KRISTONG HARI sa pamamagitan ng isang warning o babala.

Kristong “HARI”— ito ang pinakamabisang tukso ng dimonyo sa mga tao, lalo na sa mga alagad ni Kristo, para imbes na maging simbahang sinodal tayo, imbes na matuto tayong makinig at makilakbay, o imbes na sumunod tayo sa daan ni Kristo ay malihis tayo ng landas. Maraming halimbawa mula sa bibliya. Una – ang magkapatid na apostol Santiago at Juan. Sa version ni San Mateo (Mt 20:21) ang nanay ang humihiling na “iluklok daw ang dalawang anak niya sa kaliwa’t kanan niya sa kanyang KAHARIAN!” Sa version ni San Markos, sila mismo ang humihiling nito. (Mk 10:37)

Isa pang halimbawa, sa kuwento ni San Juan tungkol sa mga taong nag-enjoy sa libreng pagkain na akala nila ay hinocus-pocus ni Hesus mula sa limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang limang libo katao. Sa kuwento ni San Juan sa chapter 6, pagkatapos daw ng pangyayaring iyon, hinabol siya ng mga tao para gawin siyang HARI (Jn 6:15). Ano ang ginawa niya? Umakyat sa bundok at iniwan sila. (Subukin mong gawing hari si Hesus ayon sa konsepto mo ng hari sa mundo, lalayasan ka niya.)

Ganoon din sa kuwento ni San Pedro nang tanungin sila kung sino siya para sa kanila. Ang sagot niya, “Ikaw ang Kristo.” (Mk 8:29) Na ang Ibig sabihin ay hinirang na HARI ng Israel. Kaya nang sabihin ni Hesus na ang Anak ng Tao ay magdurusa at ipapapatay sa Jerusalem, biglang hinarang siya ni Pedro at pinipigilan sa paglalakbay. Baligtad kasi iyon sa expectation niya. 

Sa kuwento ni San Mateo tungkol sa ginawang panunukso ni Satanas matapos na mag-fasting si Hesus nang 40 days sa disyerto, ang pangatlong tukso ay tungkol sa mga KAHARIAN na pangakong ibibigay daw ng dimonyo kay Hesus sa kundisyon na luluhod ito sa kanya para sambahin siya (Mt 4:8-9). Ibig sabihin, ang paghahangad sa makamundong KAHARIAN ay katumbas ng pagluhod o pagsamba kay Satanas.

At kapag hindi makahirit si Satanas dahil ayaw bumigay ng simbahan sa tukso niya, ang nilalaro naman ng diyablo ay ang mga naghahari-harian sa mundo. Kinukumbinsi niya sila para ituring ang simbahan bilang kalaban sa pulitika o kaagaw sa trono. Di ba sa Kuwentong Pasko ni San Mateo nagwala daw ang Haring Herodes nang malaman niya na may mga bisitang galing pa sa malayo na naghahanap sa “bagong silang na Hari” (Mt 2:2) ng mga Hudyo? Hayun na-insecure tuloy ang praning na hari, minasaker niya ang lahat ng mga bata para manigurado na mailigpit niya ang akala niya’y umaagaw sa trono niya. (Mat 2:16-18)

Hanggang ngayon, ganito pa rin ang strategy ni Satanas para mapabagsak niya tayo. Ito rin ang pinagmumulan ng madalas banggitin ni Pope Francis na malaking problema ng Simbahang Katoliko na nagiging ugat ng lahat ng klase ng pang-aabuso ng mga obispo at pari: ang KLERIKALISMO. Kapag nahumaling sa kapangyarihan ang mga pari at obispo at ang ang tingin na sa sarili ay HARI.

Isa ito sa mga sinikap na i-reporma ng simbahan sa Vatican II. Ilang daang taon sa kasaysayan ng simbahan na ang Santo Papa mismo at ang mga obispo ay mistulang mga Hari talaga. Iniluluklok sila sa trono, kinokoronahan, at ang tawag sa tirahan nila ay palasyo. Ano ang tawag sa tirahan ng Papa kundi “PAPAL PALACE?” Kaya nga ayaw tumira doon ni Pope Francis. Statement niya iyon.

Noong bago nagreporma ang simbahan sa Vatican II, alam ito ng mga nakatatanda, hindi lang iniluluklok sa trono ang Santo Papa, binubuhat pa ang trono! Si Pope John XXIII, dahil yata mataba siya, ayon sa kuwento, minsan naawa daw siya sa mga nagbubuhat sa kanya dahil nakita yata niyang lumalawit na ang mga dila nila. Di na niya muling ginamit pagkatapos noon. Ang huling Santo Papang gumamit nito ay si Pope John Paul I. 

Kung ganoon nga naman ang asta ng mga Papa at ng mga obispo, aba’y gagayahin din talaga sila talaga ng mga pari. Gagawin din nilang mga little kingdoms (mga munting kaharian) ang kanilang mga parokya. Utos PARI, utos HARI. At mukhang pilit na namang ibinabalik sa uso ang ganoon—sa mga sobrang bongga at maluhong mga vestments at na punong-puno ng mga borloloy, sa mga simbahang magarbo, iyong tipong balot na balot sa gold-leaf ang buong retablo, sumisigaw sa luho. At pinagmumukha talagang trono ang luklukan ng obispo. 

Ang malungkot nito, nireporma na nga, e pilit na namang ibinabalik. At madalas hindi lang pari kundi mga lay people pa mismo ang may gusto. Heritage daw kasi iyon. Tapos magko-complain naman kapag nasanay sa ganoon ang clergy at nagiging “clericalistic” ang ugali, kapag nang-abuso ng kapangyarihan ang mga pari nila. Siyempre, gawin mong hari ang pari mag-uugali talaga siyang hari. Nakahuhumaling ang PAGKAHARI.

Ano bang konsepto ng pagkahari ang gustong ipalaganap ni Satanas at madalas niya gamitin para ilihis ang simbahan? Iyung tipo ng hari na UUNAHIN ANG SARILI bago ang iba. Iyon ang narinig nating paulit-ulit sa ating Gospel reading sa kuwentong Pasyon ni San Lukas: una, mula sa bibig ng mga namumuno “Niligtas niya ang iba, ILIGTAS NIYA NGAYON ANG SARILI NIYA…” (Lk 23:35) Ganoon din ang sabi ng mga sundalo, “Kung Hari ka ng mga Hudyo, ILIGTAS MO ANG SARILI MO.” (Lk 23:37) Pati iyung isa sa dalawang tulisan,sinabihan daw siya, “Hindi ba ikaw ang hinirang na Hari? ILIGTAS MO NGA ANG SARILI MO AT ILIGTAS MO NA RIN KAMI?” (Lk 23:39)

PANUNUYA ang tawag sa ganoon. Kaya nilagyan ang krus sa ibabaw ng ulo ni Hesus habang nakapako, ng isang karatulang nagpapahayag na hari siya, INRI, para sabihin iyun ang krimen niya – nag-ambisyon na maging hari (Jn 19:19). Binalabalan pa siya at kinoronahan ng tinik para hamakin siya. Sa hindi natin nalalaman, baka ganoon din ang ginagawa natin sa pagdiriwang natin ng pyestang ito ng Kristong Hari – ang hamakin imbes na parangalan ang Panginoon tulad ng ginawa ni Pilato. 

Walang ibang ipinahayag na kaharian si Hesus kundi PAGHAHARI NG DIYOS na malayong-malayo sa PAGHAHARING alam ng tao. Pero pilit nating pino-project sa Diyos ang gusto natin para sa sarili natin. Kung hari nga naman ang Diyos at tinawag tayong maging mga anak ng hari, ano ang epekto nito sa atin? Edi natuto tayong mag-ilusyon na tumingin sa sarili bilang mga prinsipe at prinsesang tagapagmana ng isang makalangit na kaharian na mararanasan lang natin pagkamatay natin. Bakit bumaligtad? Hindi niya sinabing “Makapasok nawa kami sa kaharian mo sa langit pagkamatay namin.” And sinabi niya ay “Mapasaamin ang kaharian mo dito sa lupa para nang sa langit” – hindi pagkamatay, kundi ngayon na, dito na – ang masimulan na ang langit sa daigdig kahit lampas sa daigdig ang kaganapan nito.” 

Sa ebanghelyo ni San Lukas, sa eksena sa Kalbaryo mayroong isang taong nakakita sa tunay na kahulugan ng pagkahari ni Hesus: ang pangalawang tulisan na nagpakumbaba. Matapos na paulit-ulit na hinamon si Hesus ng mga tao, pati na ng kasama niyang tulisan na unahing iligtas ang sarili, iba ang lumabas sa bibig ng pangalawang tulisan. Parang ganito ang punto niya sa kapwa niya tulisan na nakisali sa panlalait sa Nazarenong nasa pagitan nila, “Kung gusto talagang unahin na iligtas ng taong ito ang sarili niya, edi sana ginawa na niya mula pa noong simula. Kung hindi siya nagmalasakit sa iba hindi sana siya napahamak. Hindi nga kasi niya inuna ang sarili kundi ang kapakanan ng iba, kaya siya naritong nakapako kasama natin kahit wala naman siyang kasalanan. Iyon ang klase ng paghahari na pinanindigan niya: paghaharing inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sarili.

Kaya pagkatapos hinarap niya Hesus at sinabi sa kanya, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong KAHARIAN.” At ang sagot sa kanya ng Panginoon ay, “NGAYON MISMO, makakasama mo ako sa Paraiso.” Iyun mismong sandali na binuksan niya ang puso niya kay Hesus, noon na mismo nagsimula ang paraiso para sa kanya. Hindi bukas o sa hinaharap kundi ngayon; hindi sa ibang lugar kundi dito mismo.

Sabi nga ni Basil Valdez sa kantang NGAYON:

“Ngayon ang simula ng hiram mong buhay, 

Ngayon ang daigdig mo’y bata at makulay, 

Ngayon gugulin mo nang tama’t mahusay, 

Bawat saglit at sandali Magsikap ka’t magpunyagi, 

Maging aral bawat mali.”

At sa refrain ang sabi niya, 

“Ituring mong kahapo’y waring panaginip lang

Ang bukas, pangitain n’yang ganda’y sa isip lang,

Kung bawat ngayon mo sa ‘yo ay (laging) sulit lang

Kayganda ng buhay… NGAYON!”

Walang bukas ang taong hindi sumisiryoso sa NGAYON. Dahil sa ngayon sinisimulan ang bukas. Hindi pantasya ang kaharian na ipinahayag ni Kristo. Hindi ito “pie in the sky when you die” o pampalubag-loob na pakunswelo de bobo sa mga miserable sa mundo. Ang pahayag niyang kaharian ay dapat nang simulan ngayon – nagsisimulang parang butil ng mustasa, parang binhi sa matabang lupa. Nagsisimula kapag natutong magmahal ang tao katulad ni Kristong nagmahal sa atin, kapag natuto tayong magmalasakit sa isa’t isa, lalo na sa mga kapuspalad.

Ang paraisong pangako niya ay hindi ibang lugar – dito mismo. Nagiging paraiso ang dito mismo sa mundo, kapag kasama natin siya sa misyon niya. Hiwalay sa kanya, ang buhay natin ay nagiging impyerno; nahihiwalay din tayo sa isa’t isa.

Kaya sinabi niya sa itinuro niyang panalangin – “dito sa lupa para nang sa langit”. Kapag ang langit at lupa ay nagkadugtong na muli, kapag ang Diyos at Tao ay nagkasamang muli bilang magkatipan. Kapag natutuhan nating sambahin ang ngalan ng Diyos, papaghariin ang Diyos sa buhay natin, sundin ang loob niya – ang  dito sa lupa ay para nang sa langit!

(Homiliya para sa Linggo ng Kristong Hari, Ika-20 ng Nobyembre 2022, Lukas 23:35-43)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here