CABANATUAN CITY -Nakakaranas na di-umano ng diskriminasyon ang ilang health workers na nakatalaga sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC), ang pagamutan sa lungsod na ito na pinagdadalhan ng persons under investigation (PUI) para Covid-19.
Kaalinsabay ng pagtaas sa tatlo ng bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa Nueva Ecija ay isang ginang ang dumulog sa Nueva Ecija Covid-19 Inter-Agency Task Force upang idaing ang kalagayan ng kanyang anak na nurse at mga kasama nito.
“Masakit po para sa magulang na tratuhin ng ganun ang kanilang anak,” paabot ng ginang kay Gov. Aurelio Umali bilang opisyal ng task force.
Ayon sa ginang, pinaaalis na na sa inuupahang boarding house ang kanyang anak sa takot ng mga kasambahay na mahawahan at makahawa ito ng virus.
Sa ospital naman ay wala na rin daw nagdadala ng pagkain at maraming mga salita na hindi maganda ang pinapatungkol sa mga health workers.
“Nagtatrabaho po sila para sa bayan kahit alam nila delikado para sa pamilya nila dahil hindi sila sigurado kung hindi sila makakapag–uwi ng virus,” pahayag pa ng ginang kasabay ng panghihingi ng paumanhin.
Aniya, ibinahagi niya ang kanyang pangamba bilang magulang dahil nangangamba sila sa kaligtasan ng kanilang anak.
Inaasahan naman ang positibong aksyon ng task force kaugnay ng nasabing hinaing.
Samantala, hanggang nitong Lunes ay tatlo na ang kumpiramado na COVID 19 cases, 169 ang PUI at 24,280 ang persons under investigation sa Nueva Ecija.