LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Bibigyang pagkilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga natatanging barangay sa Gitnang Luzon na may mahalagang gampanin sa pangangalaga sa kalikasan.
Nakapaloob sa taunang Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) ang pagpaparangal sa mga barangay na may mahusay na pangangasiwa at pagpapatupad ng mga programa na may kaugnayan sa Ecological Solid Waste Management.
Ayon kay DILG Region 3 Local Government Monitoring and Evaluation Division Chief Lerrie Hernandez, sa rehiyon lamang ginagawa ang BECA na layuning mahikayat ang mga barangay na sumunod sa wastong pangangasiwa ng mga basura.
Gayundin ay tumuklas ng mga mahuhusay at epektibong pamamaraan na maaaring gayahin ng nakararaming barangay o lokal na pamahalaan.
Hangad din ng DILG na sa pamamagitan ng BECA ay matulungan ang mga barangay na makatugon sa mga panuntunan na kinakailangang ipatupad sa pangangasiwa sa basura na naaayon din sa Manila Bay Rehabilitation Program.
Ipinaliwanag naman ni Program Development Officer II Kristinne Mallari ang mga panuntunan at proseso ng BECA para sa taong ito sa pamamagitan ng inilabas na Regional Memorandum Circular No. 2023-010.
Kabilang dito ang pagkakaroon at functional na Barangay Solid Waste Management Committee, pagkakaroon at pagpapatupad ng Barangay Solid Waste Management Action Plan, pagkakaroon at pagpapatupad ng ordinansa na “No Segregation, No Collection Policy”, kakayahang matukoy ang bilang ng mga sambahayan na nagsasagawa ng segregasyon ng basura.
Bukod pa ang pagkakaroon at pagpapatupad ng ordinansa hinggil sa bawal na pagkakalat, ilegal na pagtatapon ng basura at open burning, gayundin ang pagkakaroon at napakikinabangang Barangay Materials Recovery Facility, at ang pagtatalaga at functional na enforcement team sa pangangasiwa ng basura sa buong komunidad.
Ngayong ikatlong taon ng BECA ay mayroong ilang bagong panuntunan tulad ang pagtatatag ng community garden sa barangay na magbibigay ng karagdagang puntos para sa mga barangay na makakaabot sa regional assessment level.
Pahayag ni Mallari, makatatangap ng grant o cash incentive ang mga mangunguna o magwawaging barangay sa BECA.
Parehong makatatanggap ng P30,000 ang mga barangay mula sa city at municipality category na magkakaroon ng pinakamataas na grado sa buong probinsiya.
Sila rin ang mga magsisilbing nominado sa regional level na dadaan muli sa assessment.
Mag-uuwi ng P150,000 cash incentive ang itatanghal na 1st place, P100,000 naman ang 2nd place, at P80,000 ang nasa ikatlong pwesto na mga magwawagi mula sa city at municipal category.
Kamakailan ay nagsagawa ang DILG ng oryentasyon hinggil sa pagsisimula ng BECA na magtutuloy-tuloy na hanggang sa pagtukoy ng mga representante o awardee mula sa mga bayan, siyudad, probinsya at sa buong rehiyon.
Ang mga magwawaging barangay sa buong rehiyon ay papangalanan sa gaganaping awarding ceremony sa darating na buwan ng Oktubre. (CLJD/CCN-PIA 3)