Home Headlines DOH patuloy na isinusulong ang Family Planning Program sa Gitnang Luzon

DOH patuloy na isinusulong ang Family Planning Program sa Gitnang Luzon

323
0
SHARE
Ipinaliwanag ni Department of Health Central Luzon Center for Health Development Family Planning Program Manager Dhick Talion ang iba’t ibang benepisyo ng modernong pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Patuloy na isinusulong ng Department of Health (DOH) ang Family Planning Program sa Gitnang Luzon.

Layunin nito na matulungan ang mga indibidwal, nagsasama, at mag-asawa na makamit ang minimithi nilang laki ng pamilya, dami ng anak, at wastong pag-aagwat sa bawat pagbubuntis na nasa tatlo hanggang limang taon.

Inilahad ni DOH Central Luzon Center for Health Development Family Planning Program Manager Dhick Talion na batay sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority, pangatlo ang Gitnang Luzon sa may pinakamalaking populasyon sa buong bansa na nasa 12,422,172.

Kaya naman, kaugnay rin ng pagdiriwang ng National Family Planning Month ngayong Agosto, inisa-isa ni Talion ang mga benepisyo ng ligtas, mabisa, at dekalidad na modernong pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya.

Para sa ina, masisiguro ang pagbalik ng kanyang lakas at patuloy na pagbuti ng kalusugan matapos ang panganganak; pagkakaroon ng sapat na panahon para sa kanyang anak, asawa, at sarili; gayundin, ang maayos na pag-aalaga at pagpapalaki ng kanyang mga anak.

Samantala, para sa ama, nakakatulong ito para guminhawa ang kabuhayan ng kanyang pamilya; nagkakaroon siya sapat na panahon para sa pamilya; gayundin, nagkakaroon siya ng pagkakataong makapag-ipon upang matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya; at, mas gumagaan ang kanyang responsibilidad.

Para naman sa sanggol o mga anak, sila ay mas mabuting naaalagaan at natututukan ng kanilang mga magulang; nagkakaroon sila ng pagkakataon na mabigyan ng sapat na edukasyon; gayundin, natutugunan ang iba pa nilang pangunahing pangangailangan.

Sa kabuuan, ginhawa sa kabuhayan, sapat na panahon para sa isa’t isa, at pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan ang makakamit ng buong pamilya sa pamamagitan ng epektibo at modernong paraan ng pagpaplano ng pamilya.

Sa kasalukuyan ay mayroong mga inaalok na libreng modern family planning methods ang DOH sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan, mga pampublikong ospital, at iba pang services delivery points ng kagawaran.

Maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health center ang mga nagnanais magpakonsulta upang malaman ang iba’t ibang pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya. (CLJD/MAECR-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here