Zaragoza police chief Maj. Jaime Ferrer. Kuha ni Armand M. Galang
ZARAGOZA, Nueva Ecija – Pansamantalang hindi pinapayagan ng pulisya ang mga dalaw na lumapit o humawak sa mga nakaditine sa kanilang custodial facility bilang hakbang laban sa coronavirus disease.
Kaugnay nito ay ipinalinis ang kulungan upang masiguro ang maayos na kalagayan ng mga detainees at maiwasan ang pagkakasakit, ayon kay Major Jaime Ferrer, hepe ng Zaragoza police station.
May 19 na detainees ang ZPS, kabilang ang isang babae sa hiwalay na custodial facility.
“Talagang naghigpit po tayo. Hindi po natin pinalalapit yung mga dalaw,” sabi ni Ferrer. Sa halip, aniya, ay pulis na lamang ang nag-aabot ng mga gamot o pagkain na inihahatid sa detenido.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Nueva Ecija police director Col. Jaime Santos, na matiyaga naman nilang ipinau-unawa sa pamilya at detainees. “Yung paghihigpit na ginagawa ay para sa kanila rin po yun,” paliwanag ni Ferrer.
Ang pansamantalang paghihigpit na ito ay isinasakatuparan sa gitna ng pagsipa ng bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa, kabilang ang Nueva Ecija.
Hanggang nitong March 22, 2021 ay dalawa ang positibong Covid-19 cases ang naitala sa bayang ito.
Samantala, isa ang bayang ito sa 13 lugar na na nilagyan ng border control, partikular sa Barangay Sto. Rosario Young.
Ayon kay Ferrer, may ugnayan na ang kanilang hanay kasama ang rural health unit at iba pang ahensya para sa implementasyon nito at ng safety protocols.