Ayon kay Efren Reyes, provincial director ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Bulacan, ang Republic Cement factory sa bayan ng Norzagaray ay nagtanggal na ng 68 empleyado, ganun din ang Four Seasons Apparel sa bayan ng Guiguinto at ang Indo-Phil. textile company sa Marilao ay pansamantalang nag-alis ng 219 na manggagawa.
Ani Reyes, ito ay bahagi ng cost cutting ng mga kumpanya dahil sa epekto ng global financial crisis.
Aniya, may ilan namang mga kumpanya sa Bulacan ang nagsasagawa na lamang ng job rotation o pagbabawas ng working hours at iniiwasan pa rin ang magtanggal ng mga manggagawa.
Tulad umano ng Huey Commercial Inc., na nakabase sa bayan ng Calumpit, Sun-King Electronics dito at Manila Luggage sa Marilao na umaabot sa 209 ang mga empleyadong isinailalim sa job rotation.
Ipinaliwanag ni Reyes, na mas mainam na ang job rotation kaysa lubusang pagsibak sa mga trabahador sapagkat dito ay may maiuuwi pa rin silang pera para sa kanilang pamilya.
Batay sa DOLE Bulacan, may ilang kumpanya na rin dito ang nagbaba ng hanggang apat na araw na working days.
Mas nakaiinam na rin umano ang ganitong paraan sapagkat nariyan pa rin ang kanilang mga manggagawa sakaling kailanganin nila ang mga ito kapag nanumbalik na ang mga bulto ng trabaho sa kani-kanilang kumpanya.