LUNGSOD NG BALANGA — Umabot na sa 300 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan matapos may madagdag na apat na bagong nagpositibo sa virus, pahayag ni Gov. Albert Garcia ngayong Sabado.
Ang mga bagong kaso ay isang 31-anyos na babae mula sa Balanga, 36-anyos na babae sa Bagac, 30-anyos na lalaki sa Samal, at 24-anyos na lalaki mula sa Orion.
Sinabi ng provincial health office na dahil sa mga ito, umakyat sa 68 ang mga aktibong kaso o mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid–19.
Sa kabuuan, nananatiling 221 ang bilang ng mganakarekober na at 11 ang pumanaw na.
Nasa 224 ang naghihintay ng resulta ng test at 6,510 ang nagnegatibo na mula sa 7,034 na sumailalim sa pagsusuri sa virus sa lalawigan.
Dahil sa mga bagong kumpirmadong kaso, patuloy na nanawagan ang governor na sa loob at labas ng bawattahanan, siguruhin, aniyang, malinis ang mga kagamitan lalo na ang mga bagay na madalas na hinahawakan kagaya ng cellphone, doorknob, switch ng ilaw, ballpen, at iba pa.
Mataas umano ang posibilidad na ang mga ito ay makontamina kung kaya’t mas mainam na i-disinfect ang mga ito gamit ang alcohol o sanitizer bilang pag-iingat.
“Muli, hinihikayat ang lahat na sundin ang mga nakalatag na health at safety protocols para sa kaligtasan ng lahat. Ang inyong pakikiisa ang magpapanalo sa atin sa labang ito. Mag ingat ang lahat,” panawagan ni Garcia.