BulSU hindi nababahala sa pagbabawas ng pondo

    381
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Hindi nangangamba ang Bulacan State University (BulSU) sa panukalang pagbabawas ng pondo para sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo sa bansa sa susunod na taon.

    Ito ay dahil sa ilang taon ng hindi nabibigyan ng pondo para sa capital outlay ang BulSU na magsasagawa ng simpleng pagdiriwang para sa kanilang ika-106 taong pagkakatatag simula sa Miyerkoles, Disyembre 1.

    Sa kabila nito, ang BulSU na itinuturing na pinakamalaking state university sa Gitnang Luzon na may 27,000 estudyante sa kanilang campus sa lungsod na ito at satellite campus sa apat pang bayan sa lalawigan, ay patuloy sa paghahatid ng mataas na antas ng edukasyon kung kaya’t ilan sa mga mag-aaral nito ay nangunguna sa mga board examinations. Kabilang dito ang dalawang mag-aaral ng Civil Engineering na nakapasok sa top 10 ng board examinees dalawang linggo na ang nakalipas.

    “We long foresee these things and we have prepared for it by improving our revenue programs that will support our ever growing student enrollment,” ani Dr. Danilo Hilario, ang vice president for research, planning and extension BulSU sa isang panayam sa telepono.

    Ayon kay Hilario, mula pa noong taong 2000 ay nakita na ng pamunuan ng BulSU na seryoso ang pamahalaan sa polisiyang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga state colleges and universities (SUCs) para pamahalaan ang pananalapi nito o fiscal autonomy.

    “We are getting less and less allocation from government especially on our capital outlay and that is one of our biggest dilemma and we have to move fast,” ani Hilario.

    Dahil dito, agad  bumuo ng mga programa ang pamunuan ng BulSU para matugunan ang pangangailangan sa pananalapi ng lumalaking bilang ng mag-aaral.

    Ilan sa mga revenue generating na programang kanilang binuo ay ang pagbubukas ng bahagi ng bakuran ng BulSU para sa mga commercial spaces; paunti-unting pagtataas ng tuition; at pagbubukas ng kanilang international program para sa mga mag-aaral sa Taiwan, Hongkong, China, at South Korea.

    Ayon kay Hilario, ang bahagi ng BulSU campus sa lungsod na ito na nakaharap sa MacArthur Highway ay kasalukuyang nirerentahan ng isang gasolinahan, isang mini-mall, at isang fast food kung saan ay kumukita ang pamanatasan ng halos P1 milyon kada taon.

    Hinggil sa pagtataas ng singil sa tuition, sinabi niya na bawat taon ay tumataas ang singil nila sa mga bagong estudyante.

    Ito ay nangangahulugan na kung ang bayad ng estudyante ay P120 per unit sa kanilang pagpasok sa BulSU, hanggang matapos sila ng pag-aaral ay ganoong halaga pa rin ang kanilang babayaran bawat unit.

    Sa kasalukuyan, umaabot na sa P200 per unit ang sinisingil ng BulSU sa mga bagong estudyante na pumapasok sa pamantasan; at ayon kay Hilario, mas malaki ang nakilang nasisingil mula sa mga estudyante, kumpara sa taunang alokasyong P200-milyon na natatanggap ng pamantasan mula sa Department of Budget and Management (DBM).

    “The funds we are receiving from government allocation and collecting from students’ tuition fee are just enough to keep us afloat because of increasing student enrollment that requires increase expenditures on maintenance and facilities and paying of utilities,” ani Hilario.

    Hinggil naman sa international program ng BulSU, inilarawan ito bilang isang “goldmine.”

    “We have established the BulSU credibility in the global community and its earning us additional revenues that somehow subsidizes part of the expenditures for our students in Bulacan,” aniya.

    Sa kasalukuyan, ang BulSU ay nagtuturo sa mga mag-aaral mula sa Taiwan, Hongkong, China, at South Korea.

    Sa susunod na taon, bubuksan naman nila ang isa pang programa para sa mga mag-aaral mula sa Vietnam.

    Ayon kay Hilario, malaki ang kinikita ng BulSU sa international program nito, at isang halimbawa ay nagawa ng pamanatasan na magpatayo ng isang hostel na may tatlong palapag na ang mga kuwarto at nirerentahan ng mga mag-aaral mula sa ibayong dagat.

    Bukod sa pagpapagawa ng mga pasilidad, sinabi ni Hilario na ang kinikita ng BuLSU mula sa international program ay nagagamit para sa pagpapakumpuni ng nasisisrang pasilidad ng pamanatasan.

    Sinabi pa niya na “nagsisilbi ring subsidy sa mga local students natin yung bahagi ng kinikita mula sa international program.”

    Hinggil sa pagdiriwang ng ika-106 na taong pagkakatatag ng BulSU, sinabi ni Hilario na ito ay magiging simple at matipid.

    “Every year since BulSU celebrated its centennial, we been observing austerity measures in our week-long celebration,” aniya.

    Ang pagdiriwang ng ika-106 na anibersaryo ng BulSU ay magsisimula sa Miyerkoles, Disyembre 1 at matatapos sa Disyembre 7.

    Ilan sa mga natatanging bisita na darating sa nasabing pagdiriwang ay sina Senador Ferdinand Marcos Jr., at Secretary Herminio Coloma ng Presidential Communications Operations Office. 



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here