Ayon sa walong pahinang reklamo ni Pagdanganan na kanyang inihain sa Bulacan Prosecutors Office, inirereklamo niya sina Mercado at Ramirez matapos lumabas sa Tempo noong ika-7 ng Oktubre 2015 ang artikulo na may titulong “Binay faces plunder for Alphaland deal”.
Binanggit umano ni Mercado sa artikulong ito na isa si Pagdanganan sa mga sinampahan ng kaso sa Ombudsman kaugnay ng umano’y bentahan ng Makati land sa Boy Scout of the Philippines sa umano’y underpriced na P600 million sa P3 billion na inabot ng transaksyon.
Ayon kay Pagdanganan, ni hindi siya na-notify ng Ombudsman sa reklamong ito at ni hindi siya pinasasagot sa reklamo.
Nilabag din, aniya, dito ang batas na ang mga kasong isinasampa sa Ombudsman ay tinuturing na confidential at tanging ito lamang ang maaring maglabas ng mga impormasyon na ito.
Binigyang diin pa ni Pagdanganan na isinama siya ni Mercado sa 17 pinangalanan sa artikulo mula sa 45 na miyembro ng Board of Trustees ng Boy Scout of the Philippines na pinangalanan gayong batid naman nito na hindi siya kasama sa mga nag-apruba ng joint venture agreement.
Hindi rin, aniya, tama na batikusin ni Mercado ang Alphaland Boy Scout deal dahil si Mercado mismo ang nag-negotiate at nagsara nito sa Alphaland.
Layunin kasi umano ni Mercado na sirain hindi lamang si Vice President Jejomar Binay kundi maging ang lahat ng nakapaligid dito gaya ng mga miyembro ng Board of Trustees ng Boy Scouts na pinaniniwalaan nitong dikit kay Binay.
Matapos na i-file ni Mercado ang reklamong plunder sa Ombudsman laban kay Binay at mga miyembro ng Board of Trustees ng Boy Scout ay nagpatawag ito ng press conference na isinulat naman ni Ramirez ang artikulo nang hindi umano inalam ang katotohanan. Hinihiling ni Pagdanganan sa kanyang reklamo ang moral damages na hindi bababa sa P10 million.
Bukod kay Pagdanganan ay magsasampa din umano ng kasong libelo laban kina Mercado ang 16 pang miyembro ng Board of Trustees ng Boy Scout of the Philippines.