Home Headlines BSP: ASEAN Declaration on Financial Health, aabot sa ‘bulsa at pitaka’ ng...

BSP: ASEAN Declaration on Financial Health, aabot sa ‘bulsa at pitaka’ ng mga Bulakenyo 

282
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Mas patatatagin pa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang tinaguriang three pillars for financial health na nakasaligan sa financial inclusion, financial education, at financial consumer protection.

Ito ang magtitiyak na aabot sa mga ‘bulsa at pitaka’ ng mga Bulakenyo ang prinsipyo ng

Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Declaration on Financial Health na kabilang sa mga pinagtibay sa ginangap na ika-48 ASEAN Summit sa Cebu nitong Mayo 2026.

Iyan ang sentro ng diskurso sa ginanap na Media Information Session na inorganisa ng BSP sa lungsod ng Malolos, Bulacan.

Tinatalakay ni Bangko Sentral ng Pilipinas Economic and Financial Learning Center Acting Deputy Director Rhodawynn Concepcion Segun (pangalawa mula sa kanan) ang layunin ng pinagtibay na ASEAN Declaration on Financial Health para maparami ang mga mamamayan na may impok sa bangko at tumangkilik sa mga digital payment system. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ayon kay BSP Economic and Financial Learning Center Acting Deputy Director Rhodawynn Concepcion Segun, ang nasabing deklarasyon ay nangangahulugan na hindi lang matutunan ng mga mamamayan na makapag-impok ng pera kundi magkaroon ng pagkakatutong makagawa ng tamang desisyon sa paggastos.

Una rito ang lalong pagpapaigting ng kampanya para mas maraming mga mamamayang Pilipino ang makapagbukas ng mga bank accounts at tumangkilik sa mga digital payment platforms.

Kaya naman natatanaw ng BSP na sa Bulacan, nagkakaroon ng pagdadagdag ng mga taong nagbubukas ng bank account dahil naitala ang pag-angat ng employment rate sa 97.1 porsyento noong 2025 mula sa 96.3 porsyento noong 2024.

Ito lamang ang bukod tanging lalawigan sa Gitnang Luzon na may pag-angat ng bilang ng mga bagong napasok sa trabaho habang bumaba naman sa 2.9% ang unemployment rate noong 2025 mula sa 3.7% noong 2024.

Pinatunayan ng pagdami ng mga nagbubukas ng mga bank accounts ang pagdadagdag din ng mga sangay ng mga bangko.

Sa tala ng BSP at Philippine Statistics Authority, hindi pa natatapos ang taong 2026, pumalo na sa 359 ang mga sangay ng mga bangkong nabuksan sa Bulacan.

Inaasahan na malalampasan nito ang naitalang 360 sa kabuuan ng taong 2025.

Sa patuloy na pagdami ng mga bangko sa lalawigan, ito ang pinaka dinadagsa ng mga kliyente at magkakalapit sa iisang partikular na lugar base sa 15% bank density ratio noong 2024 at 2025.

Gaya ng inaasahan, sa Bulacan din matatagpuan ang pinakamaraming mga automated teller machine o ATM sa bilang na 643 ngayong kalagitnaan ng 2026 mula sa 615 noong kabuuan ng 2025.

Iniulat din ng BSP na umabot sa P348,299.96 bilyon ang naimpok ng mga Bulakenyo sa mga bangko ngayong kalagitnaan ng 2026 na.

Patuloy ang pagtaas nito mula sa P318,013.84 bilyon noong kabuuan ng 2025 at P287,868.00 bilyon.

Kasabay ng pagpupursige ng BSP na madala ang maraming tao sa tinatawag na financial inclusion, sinabi pa ni Segun na isa ring istratehiya na dapat maging tuluy-tuloy ang aspeto ng mas pinalalawak na digital payment system.

Dito sa Bulacan, isa-isa nang kinabitan ng malakas na sagap ng internet ang mga pamilihang bayan at lungsod sa Bulacan sa paglulunsad ng ‘Market Next’ Project na pinagtutulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Information and Communications Technology, at ng Bulacan Consumer Affairs Council.

Nagsisilbi itong supplemental project sa umiiral na Market Modernization Program ng DTI at ng Paleng-QR na polisiya ng BSP.

Ayon sa  pagsusuri ng DTI, bagama’t malaki ang pagtanggap ng mga mamimili na tangkilikin ang pagbabayad sa pinamili sa pamamagitan ng Paleng-QR, kung saan maita-tap lamang sa QR Code ang E-Wallet ay makakabayad na, naging hamon ang katiyakan sa isang malakas na internet.

Kaya’t pupunan ng ‘Market Next’ ang lalong pagpapabuti sa umiiral na Paleng-QR. Habang makakatulong din ito sa Market Modernization kung saan magiging real time ang pagpapaskil ng mga suggested retail prices sa mga ikinabit na smart television na kinakailangang mapaandar gamit ang internet connection. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here