Biktima ni ‘Ondoy’ sa Bulacan umabot sa 27

    470
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Umabot na sa 27 ang bilang ng namatay sa biglang pagbaha sa Bulacan sanhi ng malakas na ulan hatid ng bagyong Ondoy.

    Tumigil na rin sa pagpapatapon ng tubig ang Angat Dam dahil sa tumigil na ang pag-ulan, ngunit naghahanda ang mga residente sa bayang ito maging sa mga bayan ng Calumpit at Pulilan sa posibilidad na dagdag na pagtaas ng tubig sanhi ng back floods.

    Ayon sa Provincial Disaster Management Office (PDMO), karaniwan sa mga biktima ay nalunod, isa ang namatay matapos makuryente at lima ang namatay sa landslide of pagguho ng lupa sa bayan ng Norzagaray.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Abet San Pedro, Roberto Pacao, at Erick Portugal ng Bocaue; Angelica Arajo at Benjamin Juliano ng Bustos; Rodel Casino ng Guiguinto; Ramon Demistrosa, Fortunato Saturnino, at Faustino Policarpio ng Meycauayan City; Jan Joven ng San Jose Del Monte City; Agustin Margallo at mga batang nakilala sa pangalang Eddie, Ervin Marlon, Jasmine at Jasper ng Norzagaray town; Carmelita Lacap. Feliza Magpayo, Hermogenes Lacap, at Lito Sta. Romana ng Marilao.

    Pito pang biktima ng pagkalunod sa Marilao ang hindi pa nakikilala, samantalang iniulat na nawawala sina Christopher Nieto at Rex Baltao ng Barangay Bolacan, Bocaue.

    Sa kabila naman ng pagtigil ng pagpapatapon ng tubig ng Angat Dam, naghahanda sa back floods ang mga residente ng bayang ito pati ng mga mga bayan ng Calumpit at Pulilan.

    Ito ay dahil sa back floods o ang pagbababa ng tubig ng ulan mula sa Silangang Gitnang Luzon patungong Manila Bay, na ayon kay Governor Joselito Mendoza ay kadalasang nagpapalubog sa mga nasabing bayan dalawa hanggang tatlong araw matapos ang mahabang pag-ulan.

    “We’re focusing now on relief and rehabilitation efforts, but we are not discounting possible damage of backfloods in Hagonoy, Calumpit and Pulilan,” ani Mendoza.

    Sinabi naman ni Elmer Santos, acting mayor ng bayang ito na binigyan na nila ng bababala ang mga kasapi ng Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) at mga kapitan ng mga barangay ng San Juan, San Miguel, San Agustin, San Isidro at Palapat upang maghanda sa back floods.

    “Baba-taas ang tubig sa Barangay San Juan dahil sa high tide, kaya nagpalabas na kami ng warning sa mga residente to avoid further damage,” ani Santos.

    Kaugnay nito, sinabi ni Hilton Hernando, isang  hydrologist ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PEFFWC) na hindi masyadong maapektuhan ng bakcfloods ang mga nasabing bayan.

    “Mababaw ang mga rivers natin along Candaba Swamp and the Pampanga River, kaya we expect moderate back flooding in Hagonoy and Calumpit,” aniya.

    Gayunpaman, pinaalalahanan ni Hernando ang mga nakatira sa mga gilid ng ilog na lumikas sa mas mataas na lugar upang maiwasan ang trahedya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here