BF desidido pa ring tumakbo

    421
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Desidido pa rin si Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando sa pagtakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas sa 2010 sa kabila ng pag-atras ng ibang aspirante na nagpaparaya kay Senador Noynoy Aquino tulad ni Pampanga Gov. Eddie Panlilio.

    Ayon kay Fernando, mahaba pa ang panahon at marami pang posibleng mangyari bago dumating ang halalan.

    Pinabulaanan din ni Fernando ang haka-hakang si Sec. Gilbert Teodoro ang nais manukin ng Malacanang at hindi siya.

    Ani Fernando, hindi totoo ang balitang iyon at may mga grupo lamang umanong iyon ang nais na palabasin.

    Ayon pa kay BF, sa kasalukuyan ay dalawa na lamang ang pinagpipilian ng kanilang partido na magiging standard bearer at iyon ay sa pagitan na lamang nila ni Teodoro at hindi na kasama si Vice President Noli De Castro.

    Ngunit kumpyansa din si Fernando na siya ang dadalhin ng partidong Lakas sa pagkapangulo at hindi si Teodoro sa dahilang siya ang orihinal na miyembro ng partido.

    Hindi rin aniya siya natatakot sa deklarasyon ni Aquino dahil sa iisang partido lamang ito nagmula at nagpalitan lamang ng ulo nito dahil sa pag-atras ni Sen.Mar Roxas.

    Maging ang pagbibigay ng pagsuporta kay Aquino ng mga gobernador sa ibat-ibang lalawigan ay hindi rin natigatig si Fernando dahil sa marami pa aniyang gobernador sa bansa.

    Ngunit ani Fernando, sakaling hindi siya ang manukin ng partido sa pagkapangulo ay gagawa pa siya ng ibang paraan sa pagtakbo sa pinakamataas na posisyon ng bansa.

    Hindi rin umano niya iniisip na siya ay tatakbo sa pagkabise pangulo kungdi ang kanyang preparasyon ay ang pagkapangulo lamang.

    Malapit na rin aniyang makapagpasya ang kanilang partido para sa kanilang kumpletong line up.

    Aniya ito ay natatagalan lamang dahil sa malaki ang kanilang partido kayat may kahirapang ito ay buuin ngunit sa sandaling makumpleto ay inaasahan umanong ito ay isang malaking pwersa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here