LUNGSOD NG MALOLOS — Gumanda ang bentahan ng palay ng mga magsasaka sa National Food Authority dahil sa dagdag na P3 kada kilong ayuda mula sa pamahalaang lokal.
Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, nagbigay ng ayuda ang Malolos LGU na P3 sa kada kilo ng palay na ibinenta sa NFA.
Kaya’t sa halip na ibenta nila sa mga traders itong inaani nilang palay ngayong buwan, sa NFA na nila ibinenta dahil sa dagdag na P3 kita kada kilo.
Paliwanag niya na ang bentahan ng palay sa NFA ay nasa P17 kada kilo at pumatak na ito ngayon sa P20 kada kilo dahil sa ayudang P3.
Bukod nilang kinolekta sa pamahalaang lungsod ang P3 kada kilo ng palay na malaking tulong sa kanila para gumanda-ganda ang kita ngayong taon.
Sa ngayon ang kanilang samahan ay nakapagbenta na ng 900 kaban ng palay sa NFA at nasingil na rin nila sa LGU ang kapupunan na P3 na ayuda sa kada kilo ng palay.
Samantala ayon kay Mayor Christian Natividad, nagkaroon sila ng kasunduan sa NFA na sesertipikahan lamang nito ang kabuuang naibentang palay ng mga magsasaka sa ahensya para mabayaran nila ang ipinangakong ayuda.
Isa aniya itong paraan para hikayatin ang mga magsasaka na magsipagtanim pa ng palay nang sa gayon ay makatulong sa food security ng bansa.
Kapag marami kasi aniyang mga magsasaka na nagbebenta ng palay sa NFA ay hindi mauubos ang buffer stock ng ahensya at mabibigyan din ng magandang kita ang mga magsasaka.
Ayon pa kay Natividad, mula binhi, pataba at pagsasaka ay walang ginagastos ang mga magsasaka sa lungsod dahil sagot lahat ito ng lokal na pamahalaan.
Bukod doon ay naka-insured din aniya ang mga nakatanim na palay para mabayaran pa rin ang mga magsasaka sakaling salantahin ito ng kalamidad gaya ng mga bagyuhan at pagbaha.