Bakit kailangan ng bansa ang Freedom of Information

    3515
    0
    SHARE

    Mga kabalen sa Pampanga at iba pang mga kababayan sa Gitnang Luzon, ako po’y nagagalak na mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng pahayagang PUNTO bilang isang kolumnista.

    Ang simulaing ito ay mahalagang bahagi ng buhay ko at hangad  ko rin na sana maging bahagi din ako ng buhay ninyo sa pamamagitan ng panulat at pamamahayag.

    Naranasan nyo na bang pagpasa-pasahan sa iba’t ibang tanggapan para sa impormasyon na kailangan ninyo?  Maalala ninyo ang hindi mahagilap na kontrata hinggil sa NBN-ZTE deal na nagpasikat kay Jun Lozada nung pumalag sya dahil sa maaaring maging kalugihan ng pamahalaan?

    Sa mga pagkakataong iyon ay nakikintil sa aking isipan at sana ay sa inyo na rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kalayaan ng mga mamamayan sa pagkalap ng impormasyo mula sa mga tanggapan ng pampamahalaan.

    Kaya noong nakaraang Kongreso, itunulak ko ang Freedom of Information (FOI) bil na naglalayong makapagbigay ng mas madaling “access” sa impormasyong hawak ng gobyerno ang mga mamamayan.

      Ito ay  magiging posible lamang kung aayusin ng mga ahensya ang kanilang information processing, records management at may kaukulang parusa sa hindi makapagbigay ng impormasyon. Umabot  sa Bicameral Conference Committee Report ang panukalang ito – niratipikahan na nga sa Senado, subalit hindi pa sa Kamara, dahil “daw “sa kawalan ng korum sa huling sesyon noong 14th Congress.

    Isang mahabang kwento ang kawalan ng korum na iyon, kaya “daw” ang gamit ko, pero sa madaling salita, sobrang ayaw ng nakaraang administrasyon ang panukalang ito kaya’t ginawa ang lahat upang hindi ito maipasa.

    Ngayong ika-15 Kongreso, ang FOI ay muli kong isinulong bilang H.B. 53 na may titulong “An Act implementing the right of the people to information on matters of public concern guaranteed under Section 7, Art. 3 of the 1987 Constitution and the State policy of full public disclosure of all its transactions involving public interest under Section 28, Art. 2 of the 1987 Constitution, and for other purposes.

    Ang pagkaka-antala sa pagsasabatas ng FOI bill, sa pananaw ko, ay isang pagkukulang ng pamahalaang nagsasabing nais nitong bigyan ng buong laya ang prinsipyo ng demokrasya at matalinong partisipasyon ng mga mamamayan sa pagpapatatag ng ating bansa. Mahigit dalawang dekada na ang 1987 Constitution subali’t wala pang enabling law na ipinapasa ang Kongreso hinggil dito..

    Madaling unawain ang mga lumabas na agam-agam ng ilang mga opisyal sa pamahalaan hinggil sa pagpasa sa FOI bill. Ayon sa ilan maaaring abusuhin ang naturang kalayaan.

    Ngunit ang pagpigil sa pagsulong ng napapanahong FOI ay pagpigil din sa pagsasa-ayos ng record-keeping system sa gobyerno natin. Ang pagsasabatas ng FOI bill ay magdudulot ng kaayusan sa pagproseso, pagdokumento, at pag-iingat ng mga impormasyon at records sa mga ahensyang pampamahalaan.

    Kaya tuloy, ang pagsasa-ayos ng ating sistema sa information at records handling ay napipigilan din.

    Para bang mas pinahahalagahan pa ang “costs” ng takot at agam agam sa magiging laganap na “benefits” ng H.B. 53 o Freedom of Information bill?

    Sa pamamagitan ng FOI, magkakaroon ng “uniform and speedy access procedure.” Bukod dito, magiging tunay na “transparent” and mga gawain sa mga opisinang gobyerno dahil magiging mandato ng bawat ahensiya nito ang pagsulong ng “culture of openness within the government. Malalapatan din ng kaukulang “criminal or civil liability” ang mga lalabag dito.

    Ang pagsasabatas ng H.B. 53 ang magbibigay ng matatag na pundasyon sa kasalukuyang demokrasya, sa tulong ng na rin maayos, malaya, at napapanahong pamamahala sa pag-poproseso at pag-iingat ng impormasyon at mga record sa ating gobyerno na mapagtitibay lamang sa pamamagitan ng naturang batas. Lalu na ngayon at laganap na rin ang information technology.

    Kaugnay nito balikan natin ang bahagi ng naging desisyon sa Supreme Court na inakda ni Justice Isagani Cruz sa Tanada vs. Tuvera case, kung saan sinampahan ng kaso ng aking yumaong lolo, Senator Lorenzo M. Tanada, kasama ang Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism (MABINI) ang dating executive assistant ni President Ferdinand Marcos na si Juan C. Tuvera.

    “The days of the secret laws and unpublished decrees are over. This is once again an open society, with all the acts of the government subject to public scrutiny, and available always to public cognizance. This has to be so if our country is to remain democratic, with sovereignty residing in the people and all government authority emanating from them.”

    Sa ngayon po’s tinitiyak na ng pamahalaan ang “publication” ng batas bago ito maging epektibo. Hindi nga lang ito sapat. Kailangan ng ating bansa ang pagsasabatas ng Freedom of Information bill, upang higit na patibayin ang demokrasya sa bansa at maging tunay na malaya ang ating mga mamamayan.

    (Kung nais po nating magbigay ng komento higging sa kolum na ito, mag-Email lamang sa tanada.erin@gmail.com o lumiham sa Office of Deputy Speaker Lorenzo “Erin” Tanada, 3rd Floor, Main Bldg., House of Representatives, Constitution Hills, Quezon City. Maaring makapag-download ng kopya ng aking mga panukalang batas sa www. scribd.com/erintanada)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here