Bahay ng tabloid reporter sa Bataan pinagbabaril

    299
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG BALANGA – Nag-iwan ng maraming bakas ng tama ng bala ng armalite rifle ang dalawang bahay na pag-aari ng Abante reporter at ng kanyang kapwa pangulo ng homeowners association sa Barangay Tuyo, dito Sabado ng gabi.

    May tama ng bala sa pader at bintanang salamin ang bahay ni Arsenia Velasco, pangulo ng Golden Ville Homeowners Association. Tulog diumano si Velasco at hindi makunan ng komento dahil sa magdamag na hindi nakatulog dahil sa nangyaring pamamaril.

    Mas maraming tama ng baril ang bahay ni Nerlie Ledesma, Abante reporter at pangulo ng Tagnai Homewoners Association. Maraming marka ng tama sa pader, aluminum door at bintanang salamin sa harap ng bahay.

    Tumagos ang tama sa salamin, lumusot sa kurtina at may tumama sa television, cabinet at silyang upuan na gawa sa kahoy.

    Hindi pa makapagbigay ng tamang bilang ng mga basyong balang nakuha ang mga imbestigador ng Balanga City police at Scene of the Crime Operatives dahil kasalukuyan pa diumanong sinusuri ang mga ito. Ngunit kinumpirma nilang ang mga bala ay mula sa M-16 armalite rifle.

    Noong nakaraang Setyembre 11, alas-9:20 ng gabi, ay pinaulanan din ng bala ang bubong ng bahay ng Abante reporter. Nakakuha ng 30 basyo ng bala mula sa M-16 armalite rifle sa mismong harapan ng bahay ni Ledesma.

    “Binaril uli ang bahay ko, this time target yata kaming patayin. Hindi ko alam ang motibo but please spare my child, huwag naman ang anak ko,” sabi ni Ledesma.

    Kasalukuyan umanong nanonood ng TV ang dalagita niyang anak at siya’y kapapasok pa lamang sa kanilang silid nang makarinig siya ng mga putok sa pag-itan ng 10:30 hanggang 10:40 ng gabi na noong una ay inakala niyang paputok lamang.

    “Ngunit sunod-sunod na ang putok at narinig kong nagbagsakan na ang mga salamin ng bintana kaya dumapa na kami kasama ang aking nagising na asawa na naunang natulog,” sabi ni Ledesma.

    Sinabi ng ilang kapit-bahay na hindi sila makalabas ng bahay at minarapat na lamang dumapa nang sunod-sunod na ang putukan. Hinihinalang dalawa hanggang tatlong kalalakihan ang namaril.

    “Hindi ko iniaalis na may kaugnayan sa aking pagiging reporter ang pamamaril ngunit maaaring may kinalaman din sa aming pagiging pangulo ng homeowners association,” sabi ng reporter. Tatlo umanong samahan ng homeowners sa nasabing lugar dahil tatlong phases ang pagkakagawa nito.

    Wala naman umano siyang natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay bagama’t may ilang text message siyang natatanggap na parang nang-iinis.

    May problema diumano sa lupa ngunit pinili ni Ledesma na hanggang doon na lamang ang paliwanag niya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here