Bagong cottage industry sa Bulacan

    581
    0
    SHARE
    Wala daw hired killing industry sa Bulacan ayon sa mga opisyal ng kapitolyo.

    Ito ang tugon nila sa mas naunang pahayag ni dating Gob. Roberto Pagdanganan na nagsabing ang hired killing sa lalawigan ay nagiging isang cottage industry na.

    Tanong.  Ano kaya ang tawag ng kapitolyo sa sunod-sunod na insidente ng pamamaslang sa Bulacan?



    Ayon kay Bokal Christian Natividad, ang mga sunod-sunod na pamamaslang ay resulta daw ng degradation of peace and order situation sa Bulacan?

    Kailangan pa daw ng katibayan na biktima ng hired killings ang mga pinaslang.



    Ayon kay Pagdanganan, hindi pa nareresolba ang pamamaslang sa kanyang kapatid na si ex-Calumpit  Mayor Ramon Pagdanganan noong Mayo 4; at kina Inhinyero Constantino Pascual ng Rosemoor Mining and Development Corporation noong Hunyo 8; ex-Apalit Mayor Tirso Lacanilao na pinaslang sa bayang ito noong Hulyo 31;  Konsehal  Fidel Nacion ng San Rafael at masaker sa pamilya ni Teofilo Mojica ng San Jose Del Monte City noong Setyembre 9 at 12 ayon sa pagkakasunod.

    Batay sa mga naunang pahayag ng pulisya, malaki ang posibilidad na hired killers ang may kagagawan ng nasabing pamamaslang.



    Mukhang hindi nagkakausap ang pulis at kapitolyo sa Bulacan.

    O baka naman hindi pa natatapos ang kanilang imbestigasyon sa mga nasabing pamamaslang, kaya’t hindi pa nila masabi ng direkta na hired killings ang nasa likod ng pamamaslang?



    Mahirap bang isipin na hired killer ang pumaslang sa karamihan sa mga nasabing biktima?

    Tingnan natin ang kaso nina ex-Mayor Pagdanganan at Lacanilao.  Kung hindi hired killer ang pumaslang sa kanila, ay sino?  Baka simpleng magnanakaw.



    Isipin natin, sinong simpleng tao ang magkakalakas ng loob na pumaslang sa isang dating pulitiko na laging may kasamang body guard maliban na lamang noong sila ay paslangin.

    Ayon sa pahayag ng pulisya at ng pamilya ng mga biktima, mukhang pinag-aralan ang kilos ng kanilang kaanak na pinatay dahil tinyempuhan kung kailan wala silang kasamang bodyguard.



    Sa madaling salita, sopistikado ang mga taong pumaslang sa mga nasabing biktima.

    Bukod pa sa walang takot magdala ng baril, samantalang ang mga karaniwang tao ay takot na takot magdala ng baril.



    Hinggil naman sa pahayag ni Natividad na kailangan pang patunayan na biktima nga ng hired killings ang mga pinaslang sa Bulacan, ito ay isang malamyang dahilan.

    Sa mata ng publiko, hindi na kailangan pa ang anumang ebidensya maliban sa mga bangkay ng biktima.



    Ayon naman kay Gob. Joselito Mendoza, walang basehan ang pahayag ni Pagdanganan.

    Pero, hindi pa ba sapat na basehan ang pagkapaslang kay ex-Mayor Ramon Pagdanganan?



    Iginiit pa ni Mendoza na walang sinumang lider ang may kagustuhan na magkaroon ng sunod-sunod na pamamaslang sa kanyang nasasakupan.

    Totoo yan.  Kaya nga dapat patigilin ang mga insidente ng pamamaslang sa Bulacan.  At higit sa lahat, hindi sapat ang pamimigay ng patrol car sa pulisya.  Kailangang tutukan ito upang hindi maghari ang takot sa mga mamamayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here