Minsan, nagkasabay magsimba sa Quiapo
ang isang pulis at isang batang ngongo;
Dasal nitong bata ay “Loyd pahini po
nan peya” aniya habang nakatungo.
“Itan naan pito paya makabiyi
nan tinelat” aniya, “niyan ta payengki”;
Dinig nitong pulis ang kanyang sinabi,
at naintindian ang hiling ng pobre.
Nagdalang habag sa tinuran ng bata
itong pulis, kaya’t sa laki ng awa
ay sa bulsa nito dumukot ng kusa
ng pera upang ang bata ay bigyan nga.
Subalit otsenta pesos na lang pala
ang pera ng pulis sa kanyang pitaka,
kaya ito lang ang naiabot niya
sa batang ni hindi yata niya kilala.
At pinagpatuloy ng nasabing pulis
ang taos sa puso nitong pakikinig
sa banal na misa – at kanyang narinig
mula sa labi mismo ng batang paslit
Ang pangungusap na: “Niot ko ta tutunod
wag na pong ta pulit n’yo tana iabot;
Kati binawatan niya nan bente petot,
an hinhini ko na wan anded petot”.
Sa narinig, napa-antanda ang pulis
at walang nagawa kundi ang umalis;
Nakatulong na’t lahat sa batang paslit,
pinaghinalaan pa siyang nangupit?
Dala palibhasa nitong karamihan
sa mga pulis ay sangkot kadalasan
sa kung anu-ano r’yang kabulastugan,
kaya pati bata’y lubos nakagisnan
Ang ilang bagay na di dapat ikapit
sa katauhan ng ating mga pulis;
At kung saan pati na rin mababait
damay palagi sa di kanais-nais
Na gawain ng ating ‘men in uniform’,
na imbes sila nga ang tagapagtanggol
ng masa laban sa krimen – sila itong
kadalasan sangkot d’yan sa pangongotong
At iba’t-iba pang katarantaduhan,
na di dapat gawin bilang ‘public servant’;
Pero kung alin ang otoridad bilang
ay sila ang salot sa ating lipunan.
Na pugad din naman ng nakararaming
pulitikong walang ginawang magaling,
Kundi magpasarap habang ang tungkuling
dapat gampanan ay halos hindi pansin.
O sadyang likas na sa ating kultura
ang ganito kaya nakamulatan na,
pati nitong mga may murang isip pa,
na basta’t pulis ay ganyan na kumbaga?
(At kung ano ang nakikita ng bata
na ginagawa riyan ng nakatatanda
ay siyang ginagaya – sa pag-aakala
na ito ang wasto at talagang tama?)