Home Opinion Ang ‘nagdadalang-Diyos’

Ang ‘nagdadalang-Diyos’

1255
0
SHARE

TINATAWAG NATING INA NG DIYOS si Maria, dahil siya’y INA NG ANAK NG DIYOS. Tingnan muna natin ang Anak, upang maunawaan natin kung bakit tinatawag natin siyang Ina ng Diyos.

Ang sabi ng lider ng isang kontrobersyal na kulto, siya daw ang “Anak ng Diyos.” Ang alam ko lang, kahit nga ang ating Panginoong Hesukristo mismo, hindi niya ipinangalandakan sa publiko na siya’y “Anak ng Diyos.” Hindi niya kasi ugali ang magtaas ng sariling bangko. Ayon sa mga ebanghelista sinasaway pa nga daw niya ang sariling mga alagad niya kapag may tumatawag sa kanyang “Kristo” o “Mesiyas.” Dalawang ulit siyang tinawag na “Anak ng Diyos” ng diyablo upang pabagsakin siya; ngunit hindi ito nagtagumpay. Siya mismo, wala siyang ibinansag sa sarili kundi “Anak ng Tao.” Kinailangan pa muna niyang magdusa, mamatay, muling mabuhay at maisugo ang Espiritu Santo upang makilala siya ng kanyang mga alagad bilang “Anak ng Diyos.” At ang unang kumilala sa kanya bilang Anak ng Diyos ay hindi Hudyo kundi isang sundalong Hentil, isang centurion, ayon kay San Markos. (Markos 15:39)

Sabi ni San Pablo sa ating second reading, “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng kautusan. Sa gayon, tayo’y mabibilang na mga anak ng Diyos.” (Gal 4:4-5) Ibig sabihin, isa lang talaga ang tunay na Anak ng Diyos; lahat tayo’y mga ampon lamang. Hindi natin ito karapatan; ito’y biyayang kaloob ng Diyos sa mga kaibigan at kapanalig ng bugtong na Anak ng Diyos – na isinilang ni Maria.

Kaya nga, sabi pa ni San Pablo, “Upang ipakilalang kayo’y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya kayo ng Espiritu ng kanyang Anak, nang tayo’y makatawag sa kanya ng ‘Ama! Ama ko!’” Dahil sa Espiritu Santong tinanggap natin sa binyag, hindi na daw tayo alipin kundi mga anak na inampon at tagapagmana ng kanyang kaharian, at ito raw ay ayon sa kalooban ng Diyos. (Rom 8:15-16) Ito, mga kapatid, ang mabuting balita ng Pasko ng Pagsilang ng Anak ng Diyos.

Tingnan naman natin ngayon ang INA. Sa araw na ito, pinararangalan natin ang babaeng naging daan upang ang Anak ng Diyos ay isilang bilang Anak ng Tao, at maging ating kapwa-tao. Sa pag-ako ng bugtong na anak ng Diyos sa tao bilang kapatid, nababahaginan ang tao sa biyaya at dangal ng pagiging “Anak ng Diyos.“

 

Theotokos

Alam kong hindi pa lubos na matanggap ng iba sa ating mga kapatid na Kristiyano ang bansag nating mga Katoliko kay Maria bilang INA NG DIYOS. Naiintindihan ko ang reaksyon na ito. Ako rin,noong kabataan ko pa, itinatanong ko kung paano ba matatawag na Diyos and Diyos kung mayroong nanay na nagsilang sa kanya?

Baka magiging mas malinaw kung bumalik tayo sa orihinal na bansag kay Maria bilang “THEOTOKOS,” “God-bearer.” Ang ibig sabihin, siya lang ang babaeng sabay na “nagdalang-TAO” at “nagdalang-DIYOS.” Kaya nang batiin siya ni Elisabeth, tinawag siyang INA NG AKING PANGINOON. Dinala niya ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanyang sinapupunan. Ang isinilang niya ay sabay na “taong totoo at Diyos na totoo.” Kay Hesus, na anak ni Maria, hindi na natin mapaghihiwalay ang pagkaDiyos at pagkatao.

Ang pagtawag natin kay Maria bilang “Ina ng Diyos” ay pagkilala sa kababaang-loob ng Diyos na isilang siya ng isang taong katulad ni Maria. Hindi ibig sabihin na DiniDiyos si Maria. Sinasabi lang natin na ganoon ang minabuti ng Diyos, dahil sa kanyang kagandahang-loob at kababaang loob, upang tayong mga tao ay mabahaginan niya ng kanyang pagka-Diyos.

Ano naman ang kinalaman nito sa taunan nating pagdiriwang ng Solemnity of Mary, Mother of God, bilang World Day of Prayer for Peace (Pandaigdigang Panalangin para sa Kapayapaan)? Malaki. Kung naniniwala tayo na ang hangad na kaligtasan ni Kristo ay hindi lang para sa mga Hudyo at hindi rin para sa mga Kristiyano lamang kundi para sa lahat ng tao, dapat maging alagad ng kapayapaan ang sinumang tumuring sa sarili niya bilang alagad at kapatid, o kaibigan at kapanalig ni Kristo. Bakit? Dahil ito ang pahayag na mabuting balita ni Kristo: ang paggalang sa mismong pagkatao ng tao na niyakap niya — anumang kulay, lahi, kasarian, kultura o antas na panlipunan.

 

Radikal na pag-ibig

Ito ang pinaka-pundasyon ng prinsipyo ng kapayapaan para sa Kristiyano: ang buong pusong pagyakap sa radikal na pag-ibig ng Diyos para sa tao. Ibig sabihin, wala tayong dapat ituring bilang kaaway o kalaban dito sa mundo kundi si Satanas. Wala tayong ituturing na sinuman sa ating kapwa-tao bilang “masamang tao”. Ang radikal na pag-ibig ng Kristiyano ay naka-base sa paniniwalang ang tao ay LIKAS NA MABUTI, kahit gaano pa kasama ang pwede niyang magawa.

Pinanghahawakan ng Kristiyano na kapag nagkakasala o nakakagawa ng masama ang tao, katulad ng pagnanakaw, pagsisinungaling, panlilinlang, panlalait o paghamak sa kapwa, pananakit o pagpatay, ito’y dahil kung minsan nawawala ang tao sa sarili niya, nahihibang, o kusang nililigaw ng dimonyo. Tagumpay ang diyablo kapag napapalaki niya ang ating ulo sa pamamagitan ng pagkahumaling sa kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, kapag imbes na tumulad tayo sa Diyos ay natuto tayong mag-Diyos-Diyosan.

Pero heto ang good news. Hindi tayo hopeless. Pwede pa tayong mahimasmasan o matauhan mula sa kahibangan, kung ang lulukob sa atin ay ang Mabuting Espiritu, kung matutuhan natin ang ginawang pagpapakumbaba ng Anak ng Diyos.

Huwag nating itakwil ang isa’t isa. Sa tuwing ating sinasariwa ang ating pananampalataya bilang Kristiyano, isa lang ang itinuturo sa atin na dapat itakwil: si SATANAS. Sa ating first reading, itinuro daw ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Moises, na sa halip na itakwil ang isa’t isa, dapat daw nating matutuhan pagpalain ang isa’t isa, kung ibig nating maranasan ang tunay na kapayapaan na sa kanya lamang nagmumula. Paano? Sa pamamagitan ng pagiging THEOTOKOS, katulad ni Maria: ang maging tagapagdala ng liwanag, tagapaghatid ng biyaya at pagpapala ng Diyos, upang hindi na tayo mahulog pang muli sa kahibangan.

Ano ang panlaban ni Mama Mary sa kahibangan? Sabi ni San Lukas: “Itinanim niya ang mga bagay na ito sa kanyang puso at kanyang pinagbulay-bulay.” Ito ang sikreto ng kapayapaan na itinuturo sa atin ng Mahal na Ina ngayong gabi: ang itanim sa puso ang mga gawain ng Diyos. Ang magbulay-bulay tungkol dito.

Alam ko, malalim na Tagalog na para sa maraming Pilipino ang salitang ito. Mas malalim ang ibig sabihin ng MAGBULAY-BULAY; hindi lang ito mag-isip-isip o magnilay-nilay. Kapag nagbubulay ang tao, inuunawa niya ang kahulugan ng mga bagay-bagay sa buhay niya, kung paano kumikilos ang Diyos sa mga karanasan natin. Kasama na dito iyung madalas kong paalala: ang selective remembering. Tandaan ang dapat tandaan. Kalimutan ang dapat kalimutan.

 

Selective remembering

Kalimutan na ang mga galit at hinanakit. Iwaksi ang nakalalason ng kalooban, tandaan ang tinanggap na kabutihan at nagpalakas ng loob sa atin. Limutin ang yumuyurak sa ating pagkatao. Tandaan ang nagpaangat sa ating dangal. Limutin ang kahihiyang dulot ng mga kapalpakan ng nakaraan, tatandaan ang mga aral na ating natutunan. Maging handang magpatawad lalo na sa mga umaamin ng pagkakamali at nagsisisi at nagpapakumbaba. Panagutin ang mga nananatili sa kahibangan, tulungan silang mamulat, upang maitama ang pagkakamali.

Sa mga sibilisadong bansa sa panahon natin ngayon, hindi na parusa ang turing sa imprisonment o pagbibilanggo sa mga sintinsyado, kundi “restorative justice”. Hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan sa daigdig kung manatili tayo sa prinsipyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin,” of “lintik lang ang walang ganti.” Hindi solusyon sa kriminalidad ang torture o bitay. Walang mag-aangat sa ating pagkatao kundi ang pag-ibig, ang radikal na pag-ibig na itinuro sa atin ng Anak ng Diyos. Iyung hindi mo ikatutuwa ang anumang makasisira sa iyong kapwa, kahit sa iyong mga kaaway. Ito ang pormula ng kapayapaan, ang daan tungo sa mas makatao at mas makaDiyos na kabihasnan. Isang mapayapang bagong taon po sa ating lahat.

(Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, World Day of Prayer for Peace, 1 Enero 2022)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here