Alvarado, suportado ng mga mayor sa Bulacan

    214
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Suportado ng mga alkalde sa Bulacan ang kandidatura nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gob. Daniel R. Fernando sa ilalim ng Liberal Party Coalition.

    Suot ang dilaw na uniporme, sinamahan ng mga punong bayan at punong lungsod ang pagpapasa nina Alvarado at Fernando ng certificate of candidacy (CoC) sa Commission on Elections provincial office noong Miyerkules ng umaga.

    Sinabi ni Paombong Mayor Donato Marcos, pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ito ang kauna-unahang pagkakataon na suportado ng halos lahat ng mga mayor ang tumatakbong gobernador at bise gobernador.

    “This is the start of something big in the province when all the political leaders became united and shared one vision and common goals,” sabi ni Marcos.

    Tinagurian naman ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito ang makabuluhang pagbabago na ito sa pulitika sa lalawigan sa ilalim ng battle cry na “One Bulacan” dahil sa nakikitang pagkakaisa ng mga namumuno dito.

    Pinasalamatan naman ni Alvarado ang kanyang mga tagasuporta at nangakong ipagpapatuloy niya ang kanyang mga programang nasimulan para sa kaunlaran ng Bulacan.

    Idinagdag pa niya na bibihira lamang ang ganitong pagkakaisa sa pulitika at tiyak na malaki ang maitutulong nito upang ang daloy ng kaunlaran ay maging mas mabilis.

    “Lahat kami ay nagnanais na pare-parehong maglingkod at ngayon nga ay nakahanda kami na magtrabaho nang magkakampi o isang team,” wika pa ni Alvarado habang nagpapasa ng COC kasama ang kanyang kabiyak na si 1st District Rep. Marivic Alvarado.

    Kinumpirma naman ni Fernando na sa kasalukuyan ay wala pang nagpapasa ng kandidatura sa pagka-bise gobernador maliban sa kanya.

    Matatandaan na ibinasura ng Election Regulatory Board ng Pandi ang petisyon ni Philip Salvador na makabilang siya sa listahan ng mga botante sa naturang bayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here