Home Headlines Aksidente sa daan: 1 patay, 4 sugatan 

Aksidente sa daan: 1 patay, 4 sugatan 

1100
0
SHARE

Ang naaksidenteng cargo truck. Kuha ni Ernie Esconde


 

MARIVELES, Bataan — Isang motorcycle rider ang patay samantalang apat ang sugatan nang diumano’y mawalan ng preno ang isang cargo truck matapos makabulusok sa zigzag road at suyurin ang kongkretong bakod ng isang gasolinahan dito Martes ng umaga.

Kinilala ni Patrolman Ryan Extrimadura, Mariveles police investigator, ang nasawi na si Norben Gubian ng Mariveles na sakay ng kanyang motorsiklo habang ang mga sugatan ay ang truck driver na si Jaypee dela Cruz ng Marilao, Bulacan, dalawa nitong pahinante, at isa pang motorcycle rider.

Sinabi ng imbestigador na ang truck na may kargang mga tiles ay nakababa na sa zigzag road at papuntang kabayanan ng Mariveles nang mawalan ng control at tumama sa gutter at bumangga sa poste ng gasoline station.

Ayon kay Rebessa Aucijas, may-ari ng sari-sari store malapit sa pinangyarihan ng aksidente, na pagliko ng cargo truck ay tumagilid at umikot ito. Tumalsik umano ang dalawang pahinante at bumagsak sa kongkretong kalsada samantalang naipit naman ang mga paa ng driver.

Palabas na sa gasolinahan ang dalawang motorsiklo na sakay ang dalawang rider nang mangyari ang aksidente. Sa pag-ikot ng truck, ani Aucijas, ang mga motorsiklo ay nahagip ng mga tumalsik na kargang tiles at iba pang gamit ng sasakyan.

Sa pagtama ng mga tiles at ibang karga ng truck, ang isang motorsiklo na sakay ang nasugatan ay sumabit sa isa sa dalawang nakaparadang oil tanker samantalang ang isa pang motorsiklo na lulan  ang namatay ay natabunan ng kung ano-anong bagay sa gasolinahan.

Sinabi ng police investigator na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here