Home Opinion Ako’y taong grasa

Ako’y taong grasa [hangad ko sa pasko]

148
0
SHARE

ako’y taong grasa, sa maruming lansangan,

laging tinataboy, ng ating lipunan,

aking pagkatao, ay wala nang dangal,

ganyan ba kalupit, nitong kapalaran?

 

talos kong iiba, ang saklaw ng isip,

wari’y isang musmos, dito sa daigdig,

mga nakalipas, hindi ko na batid,

‘di rin alintana, ang mga paglait.

 

ako ay nag-iisa, ni walang karamay,

at sadyang tinakwil, ng kadugo’t laman,

kungsabagay kasi, wala na akong alam,

kaharap ko pala, nagi kong kaibigan.

 

sa iisang banda, ako ay mapalad,

ang anumang sakit, hindi tumatalab,

sadya bang kaloob, pagiging malakas,

ang lamig at init, kinaya kong lahat?

 

nabubuhay akong, walang kamalayan,

ang ikot ng mundo, ay parang laruan,

parito’t paroon, sa walang hangganan,

kailan titigil, aking paglalakbay?

 

malamig na naman, ang simoy ng hangin,

ito’y nagbabadya, ang pasko’y darating,

mula sa ‘king puso, kalakip na ningning,

ako’y umaasa, may mahabag sa akin.

 

hindi ko hangarin, anumang regalo,

higit mahalaga, sandaling respeto,

ang mabahaginan, ng haplos sa puso,

akin ding dalangin, payapa ang mundo.

 

ako ay sanay na, sa mga paglibak,

karampot na awa, ni di ko malasap,

walang bagong saplot, panay nakayapak,

magbabago pa ba, sa pagiging salat.

 

ang Araw ng Pasko, bilang Taong Grasa,

ngalan na material, di magpapasaya,

kahit sumandali, sana ay madama,

dangal ko’y ibalik, sa ngayo’y wala na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here