Isang ‘service crew’ sa gasoline station
Ang itinawag nitong Lunes ng hapon
Ng pamilya upang ako’y makatulong
Sa kanya sa isang gipit na situwasyon.
Laban sa isang pulis, na naging dahilan
Ng pagkatangal niya sa pinapasukan
Sanhi ng umano’y pagtanggi yata niyan
Na ikuha ito ng tubig kung saan;
Kasunod ng sabing “bakit, boss ba kita
Upang utusan mo?” ang sagot yata niya;
Na humantong sa puntong nagtalo sila
Ng dahil lamang sa utos nitong isa.
Na nagresulta sa di inaasahang
Pagdampot sa kanya at ikinulong yan
Ng kung ilang oras at binantaan pang
Kakasuhan nitong pulis na naturan
Pero matapos ang ilang oras yata
Ay kusa naman daw yatang pinalaya,
Kung kaya di ko dinatnan ang bata
Nang sadyain upang siya’y tulungan nga.
Di ko nakausap nang oras na iyon
Ang hepe ng pinuntahan kong istasyon,
Pero nang balikan ko siya ng gabing ‘yon
Ay nasa opis na at masuyo tayong
Hinarap ni Hepe ng mga sandaling
Tayo ay naroon at kami’y masusing
Nag-usap hinggil sa nais iparating
At iba pa, na di ko babanggitin.
Ang ilang bagay na ating inilahad
Tungkol sa pulis na di ko nakaharap,
Pero kilala ko ang personalidad
Bilang isang abusadong otoridad.
Tinanong ko kay Tsip ang klase ng utos
Na naging ugat ng nangyaring sigalot;
Pagkat kung personal ka’kong pag-uutos
Posibleng ganun nga ang magiging sagot
Kasi, hindi komo siya’y isang pulis
Ay may karapatan yan upang ipilit
Ipagawa sa isang nilalang ang nais
Nitong ipag-utos pagkat di matuwid.
Puwera na lamang kung ‘in line with his duty’
Ang ipagagawa, sabi ko kay Hepe;
Pero kung iba ay may katuwiran kasi
Itong ‘gasoline boy’ para sa sarili.
At saka ika ko, Tsip kabisado ko
Itong ‘subject’ kaya kumbinsido ako
Na siya marahil ang nagkamali mismo
O may pagkukulang sa nangyaring ito.
Minsan, nakabangga ko na sa Apalit
Ang taong yan noong si Capitan Lopez
Ang ‘officer as Deputy Chief of Police’
Sanhi ng di tamang klase ng matuwid.
Na nag-ugat sa di pag-responde nito
Sa isang ‘trouble’ na ako’t ang anak ko
Ang tumawag upang ayusin ang gulo,
Pero di bumangon sa higaan nito.
At ikinagalit pa mandin ang tila
Pagkabulabog niya sa pagkaka-higa,
Kung kaya ang pobre ay nakapag-wika
Ng hindi mainam na pananalita.
At nang ipatawag ng Mayor, saka lang
Parang natauhan at humingi po yan
Ng dispensa, lalo nang kanyang malamang
Mamamahayag ang kwenta binastos niyan!