Home Headlines BSP nilinaw ang paggamit, security features ng polymer banknote

BSP nilinaw ang paggamit, security features ng polymer banknote

425
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inabisuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga mamimili at establisemento na tanggapin ang P1,000 polymer banknote kahit na ito’y naitiklop o naitupi.

Hindi aniya ikatatanggal at hindi mawawala ang halaga o value nito.

Ipinaliwanag ni BSP North Luzon Regional Office Bank Officer IV Rodora Teresa Openiano ang karagdagang mga security features ng P1,000 polymer banknote.

Pangunahin rito ang see through design, Sampaguita clear window at ang vertical clear window na nasa gawing kanan kung nakarap sa tumitingin ang pera.

May mga existing security features din na nai-adopt sa polymer banknote na nasa mga naunang regular banknotes na inilabas ng BSP.

Ipinapaliwanag ni Bangko Sentral ng Pilipinas North Luzon Regional Office Bank Officer IV Rodora Teresa Openiano ang mga security features ng P1,000 polymer banknote na ngayo’y nasa pambansang sirkulasyon na. Matitiyak nito ang kasapatan ng suplay ng pera ngayong holiday season. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Nilagyan din ng mga tactile marks para sa mga malalabo ang mata at sa mga hindi nakakakita.

Ito ang nakaangat na limang tuldok na maaring mahipo o makapa sa gawing itaas ng polymer banknote.

Ang metallic foil o security thread na inilagay dito ay naka-integrate sa plastic ng polymer banknote, na hindi na natatanggal kumpara noon na maaaring mahila kapag luma na ang isang perang papel.

Binigyang diin ni Openiano na kung papaano aniya trinatrato ang ibang umiiral na perang papel ay ganoon din dapat sa polymer banknote.

Kaya’t pinayuhan din ang mga manininda sa palengke na huwag ikabahala na tanggapin ito sa pagbabayad dahil matibay sa basa o water resistant ito.

Hindi ito masisira kahit maipatong sa ibabaw ng sariwang Isda, mga karne o anumang basang paninda.

Mas malinis aniyang hawakan ang gawa sa plastic na polymer banknote dahil madali itong ma-disinfect.

Pwedeng bugahan ng alcohol spray nang hindi mapipilas o hindi mawawala ang anumang nailimbag.

Samantala, ibinalita rin ni Openiano nailabas na ng BSP sa pambansang sirkulasyon ang 490 milyong piraso pa ng P1,000 polymer banknote mula noong Oktubre 2022 hanggang nitong Oktubre 2023.

Katumbas ito ng halagang P490 bilyon na dumagdag sa P200 bilyon na currency reserves ng BSP na naitala nitong Hulyo 2023.

Nauna nang nailabas ang 10 milyong piraso ng P1,000 polymer banknote o halagang P10 bilyon noong Abril 2022.

Kaya’t nasa 500 milyong piraso P1,000 polymer banknote o katumbas ng P500 bilyon na halaga ang nasa pambansang sirkulasyon na.

Katunayan, mas laganap na aniya ang naturang perang papel sa buong bansa partikular na sa mga ATM. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here