Home Headlines Serbisyo Caravan ng PAGCOR inilunsad sa Malolos

Serbisyo Caravan ng PAGCOR inilunsad sa Malolos

400
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inilunsad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kauna-unahang “Bawat Buhay Mahalaga” Serbisyo Caravan na ginanap sa lungsod ng Malolos.

Layunin nito na maipaabot at maiparamdam ang mga serbisyo, proyekto at programa ng pamahalaan tungo sa katuparan ng isang “Bagong Pilipinas”.

Sinabi ni PAGCOR Chairperson and Chief Executive Officer Alejandro Tengco na bilang panimula, umabot sa isang libong residente ng Bulacan ang napagkalooban ng libreng serbisyong medikal, dental at gamot.

May pasunod pa itong grocery packs at tig-iisang litro ng purified water para sa mga benepisyaryo.

Kalakip ng caravan ang pormal na pagkakaloob sa lalawigan ng iba’t ibang tulong pangkalusugan, pang-edukasyon, pangkabuhayan at pambarangay.

Sinabi ni Tengco na may order na Ultrasound at 2D Echo ang PAGCOR mula sa Estados Unidos para sa Bulacan Medical Center.

Pormal na tinanggap ng mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang pamahalaang bayan at lungsod sa Bulacan ang mga sertipiko ng katunayan ng iba’t ibang tulong mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa ginanap na “Bawat Buhay Mahalaga” Serbisyo Caravan. Mismong si PAGCOR Chairperson and Chief Executive Officer Alejandro Tengco ang nanguna sa pagkakaloob ng mga tulong. (Provincial Public Affairs Office)

Nauna nang ipinadala sa lalawigan ang nasa 600 wheelchair.

Nagbigay din ang PAGCOR ng isang libong slots para sa scholarship para sa mga vocational courses sa Bulacan Polytechnic College at isang libong scholarship grants sa mga kwalipikadong mag-aaral ng Bulacan State University.

Nagkakahalaga ng P5,000 ang bawat isang scholarship grant.

Sa larangan ng kabuhayan, katuwang ng PAGCOR ang Tindahan ni Aling Puring program ng Puregold Price Club Inc. sa pagkakaloob ng mga pangkabuhayan packages.

May limang pangkabuhayan packages ang natanggap ng pamahalaang panlalawigan habang nasa isa hanggang dalawang pangkabuhayan packages ang ibinigay sa 20 bayan at apat na lungsod.

Nasa kabuuang 4,500 na mga bisikleta ang ipinadala rin ng PAGCOR sa 572 barangay ng probinsya upang magamit sa pagsasagawa ng ronda ng mga tanod sa maliliit na kalsada o kalye.

Ayon naman kay Gobernador Daniel Fernando, patunay ang tinatayang nasa P50 milyong halaga ng inisyal na naipagkaloob ng PAGCOR na nasa hanay ng mga prayoridad ng administrasyong Marcos ang kapakanan ng mga taga Bulacan.

Samantala, iniulat ni Tengco na umangat sa P6 bilyon ang kinita ng PAGCOR para sa 2023.

Mas mataas aniya ito sa naitalang P4.3 bilyon noong 2022 sa pagpasok ng administrasyong Marcos.

Kabilang sa mga nakalinyang proyekto ng PAGCOR sa 2024 ang muling pagpapatayo ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.

Popondohan din ang pagpapatayo ng mga socio-civic centers at mga E-Learning Centers na may kapasidad na 48 working stations na may high-speed internet. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here