Home Headlines 32,340 Bulakenyong 4Ps, matagumpay nang nakatawid sa kahirapan

32,340 Bulakenyong 4Ps, matagumpay nang nakatawid sa kahirapan

395
0
SHARE

PLARIDEL, Bulacan (PIA) — Nagsipagtapos na ang unang 562 na pamilya na taga-Plaridel, Bulacan bilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Bahagi sila ng nasa 32,340 na mga pamilyang Bulakenyong nakatakdang magsipagtapos hanggang sa kalagitnaang bahagi ng 2023.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bulacan Provincial Link Josephine David, nagtatapos o nagiging graduate na sa 4Ps kung makikitaan at mapapatunayang nakakatayo na sa sariling mga paa ang isang pamilyang benepisyaryo.

Halimbawa nito ang pagkakaroon ng kakayahan na mapatapos sa pag-aaral ang anak, na kalaunan ay makakatuwang na rin sa iba pang gastusin kahit hindi na kasama sa 4Ps.

Gayundin kung mayroon na itong naipundar na matatag na kabuhayan na kayang tumustos sa kanilang pangangailangan na hindi na kailangang umasa sa natatanggap sa 4Ps.

Kung naabot ang mga ganitong sitwasyon ng buhay ng mga benepisyaryo ng 4Ps, pasado na ito sa Level 3 self-sufficiency base sa Social Welfare and Development Indicator.

Dito masasabing nakatawid na o naipanalo nito ang laban sa kahirapan sa tulong ng iba’t ibang makakaugnay na istratehikong programa sang-ayon sa umiiral na Republic Act 11310 o Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act of 2019.

Mismong si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang nanguna sa idinaos na Pugay Tagumpay 2023 sa bayan ng Plardiel bilang pagbibigay ng mataas na pagkilala at pagpapahalaga sa mga pamilyang matagumpay na nalabanan ang kahirapan sa pamamagitan ng 4Ps.

Kabilang sila sa 562 na mga pamilyang taga-Plaridel, Bulacan na matagumpay na nalabanan ang kahirapan, na nagsipagtapos bilang mga banepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Mismo si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang sumaksi sa kanilang pagtatapos sa idinaos na Pugay Tagumpay 2023. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Aniya, ang pagpapatuloy ng programang 4Ps ay magtitiyak na puputulin nito ang pagsasalinsalin ng kahirapan sa mga sumusunod na henerasyon.

Kaya’t pinayuhan ng kalhim ang mga pamilyang dating benepisyaryo na huwag matakot sa pagtatapos ng mga natatanggap na conditional cash transfer mula sa 4Ps.

Binigyang diin ni Gatchalian na hindi iiwanan ng DSWD ang mga nagsipagtapos na dating benepisyaryo, dahil patuloy na aalalay ang ahensiya upang magkaroon sila ng pangmatagalang kabuhayan.

Naglaan ng P6 bilyon ang DSWD para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) mula sa Pambansang Badyet ng 2023.

Isa itong programa kung saan nagkakaloob ng hanggang P15,000 halaga ng mga kagamitan at kasangkapan ang ahensiya para sa benepisyaryo ng SLP.

Ang sistema, ayon kay DSWD Region III spokesperson for 4Ps Alexine Castaneda, magsasagawa ng komprehensibong pagsasanay ang ahensiya depende sa uri ng kabuhayan na mapipili ng dating benepisyaryo ng 4Ps.

Kabilang dito ang national competitiveness (NC) III sa larangan ng welding, dress making, cookery, baking at iba pang skills training na ibig matamo.

Bukod sa SLP na pinondohan ng DSWD, nag-aalok din ang pamahalaang lokal ng puhunan para sa mga nagsipagtapos sa 4Ps.

Ayon kay Plaridel Mayor Jocell Aimee Vistan- Casaje, naglaan ng P500,000 ang pamahalaang bayan para sa Local SEA-K (Self-Employment Assistance-Kaunlaran).

Maaari aniyang pandagdag ang puhunan na mula sa Local SEA-K sa matatanggap na kagamitan at training mula sa SLP ng DSWD.

Tiniyak naman ni Casaje na isasama rin sa Kabataang Iskolar ni Del Pilar ang mga anak ng dating benepisyaryo ng 4Ps, na nag-aaral pa na popondohan ng pamahalaang bayan.

Ibinalita rin ni Bise Gobernador Alex Castro na ang kasalukuyang 16 libong benepisyaryo ng iba’t ibang scholarship grants ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ay dadagdagan pa upang maisali ang mga nag-aaral pang anak ng mga dating nasa 4Ps. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here